VIENTIANE--Naayos na lahat bago pa man magsimula ang aktuwal na kompetisyon sa boxing event ng 25th Southeast Asian Games.
Matapos iapela sa International Amateur Boxing Association (AIBA) pinayagan na rin ng world governing body ang pagkakabilang ng 45 kg. class sa kompetisyon bagamat sa naunang utos ay pinatatanggal ito dahil hindi umano bahagi ang naturang weight class sa Olympic boxing.
Malaki na ngayon ang tsansa ni Bill Vicera sa ginto bagamat sa unang direktiba ng AIBA idiniin ng AIBA na hindi kinikilala ang 45 kg. division dahil hindi ito bahagi ng weight class sa Olympic boxing, bagamat ang nasabing kategorya ay bahagi na ng kalendaryo ng SEA Games sapul pa noong 1979.
Aakyat din sa ring ang men’s team na pamumunuan ni two-time Olympian Harry Tañamor sa 48 kg. Kasama din sa listahan sina Asian Games gold medalist Joan Tipon (54 kg), Rey Saludar (71 kg), Charly Suarez (60 kg) at Joegin Ladon (64 kgs).
Samantala, hahataw ang tambalang Michelle Carolino at Johanna Carpio kontra sa Laos team sa ikalawang laban ng mga Pinoy sa beach volleyball bandang alas-10:30 ng umaga. Agad naman itong susundan ng laban nina Johnrey Sasing at Rhovil Verayo laban sa Cambodian pair sa men’s beach volleyball.
Sa billiards sasabak sa aksiyon sina Roberto Gomez Jr. at Carlo Biado sa snooker double quarterfinal kontra sa Laos team at sisimulan ni Reynaldo Grandea ang kampanya sa single carom laban kay Aung San Oo ng Myanmar.
Sasalang din sa unang round ang men’s team ng golf na sina Antonio Asistio, Jhonell Ababa, Judson Estaquio at Mark Fernando.
Magpapatuloy naman ang aksiyon sa karatedo kumite sa pagsalang nina Ace Eso (55kg under), Irineo Toribio (60kg.), Rolando Lagman (75kg), Michael Dumayag (84kg) sa kababaihan naman sina (Mae Soriano (50kg), Myrna Pabillore (55kg.), Lutche Metante (68kg.)
Bagamat hindi naging masuwerte sa unang aksiyon sa shooting, nakahanda naman sina Lozano, Edwin Fernandez at Rocky Padilla (50m rifle prone), Emerito Concepcion, Carolino Gonzales atRonaldo Hejastro (10m air pistol); Michaella Padilla, Ruth Ricardo at Shanin Gonzales (10m air pistol) sa kani-kanilang event.
Kaugnay nito, umaasa naman ang diving na magiging mabunga ang kanilang kampanya sa pool kung saan tiwala sila na malalampasan ang tinamong tagumpay sa huling edisyon ng biennial meet na ito.
“Pinaka-meaningful at pinaka-interesting ang SEA Games na ito para sa mga bata,” wika ni Anne Dimanche. (DMVillena)