VIENTIANE--Pinatunayan na hindi lamang ang magandang mukha ang kanilang panlaban, naisukbit nina Janice Lagman, Ranni Ann Ortega at Camille Alarilla sa pamatay nilang porma sa poomsae event ng southeast asian games taekwondo sa Booyoung Gymnasium sa National University dito.
Ang pormang nagpanalo sa kanilang ng gold sa 4th World Poomsae championships na ginanap sa Cairo, Egypt ang naging pamantayan ng tatlong Pinay para sa karangalan kung saan nabigo naman ang kalalakihan na naka-bronze lamang sa naturang event.
Nailista ng Pinay trio ang umiskor ng 16.97 sa kanilang gold medal na tinapos kasunod lamang ang Thailand 16.94 para sa silver at Vietnam 16.87 para sa bronze
Tanging bronze medal lamang ang naihandog ng Pinoy team nina Anthony Matias, Brian Sabido at Jean Sabido sa event na pinagharian ng Myanmar sa sorpresang gintong medalya at silver sa host country Laos.
Nasungkit naman ni Soukthavy ang gold para sa kauna-unahang gold ng host country at sa loob ng ilang taong sapul nang lumahok sila sa biennial event na ito.
At makalipas ang tatlong araw ng kompetisyon mula sa isang silver na produksiyon ng Philippine water polo team at 2 bronze ng men’s at women’s sepak takraw, umaasa ang Team Philippines na madadagdagan ito ngayon kung saan may 27 gold medals ang nakataya.
Pagsisikapan ng RP shooting team na makaamot ng ginto sa anim na nakalaan ngayon sa men’s at womens 25m standard pistol at 10m air rifle event sa shooting range ng National Sports Complex.
Anim na golds din ang hinihintay sa panimula ng combat events ng taekwondo
At sa kabilang dako naman sa swimming pool, pitong gold ang tatangkaing languyin ng Pinoy swimmers sa pagbandera ni 2007 SEAG Most Outstanding Athlete Miguel Molina.
Ang mga events na lalanguyin ay 100m freestyle women’s, 200m back mens, 200m back women’s, 400m Individual medley, 200m individual medley 4x 200m freestyle men’s at women kung saan bandang alas-6 ng gabi (alas-7 sa Manila).
Ang iba pang golds na nakasalang na maaring matisod ng Philippine delegation ay isa mula sa English Billiard Doubles, 4 sa karatedo at 3 sa weightlifting at 4 sa karatedo.
Samantala, sa cycling, naiwan sa balikat ni Maritess Bitbit ang pag-aagawan ng liderato sa cycling.
Solong isasakay ni Bitbit ang pag-asang masungkit ang ginto sa cycling event makaraang ibasura ng UCI ang kahilingan ng SEAG Council na payagan ang mga siklistang nagitgit sa dalawang nag-uumpugang bato ng liderato sa kanilang asosasyon.
“Kung kakarera akong mag-isa, lalaban pa din ako. Sanay na akong kumarera ng walang katulong,” malungkot na wika ni Bitbit noong Miyerkules matapos malaman na ang 12 pa niyang ka-teammate ay opisyal nang hindi makakatakbo sa karera.
Tanging si Bitbit lamang ang may lisensiyang ibinigay ng UCI. Ang 12 pang iba ay hindi nabigyan dahil sa gulong nagaganap sa pagitan ng dalawang liderato ng cycling association sa pagitan nina Mikee Romero at Tagaytay Mayor Bambol Tolentino.
Dalawang riders, sina 2007 SEA Games gold medalist Joey Barba at Fil-French recruit Scott Remie ang hindi nakalahok sa downhill mountain event kahapon dahil pinigilan sila ng UCI bagamat nagpumilit si Go Teng Kok at ang pe-derasyon.
Gayunpaman, ipupursige pa rin daw ni Go ang kanilang apela.
Sa kaugnay na balita, habang sinusulat ang balitang ito, napag-alaman na umatras na rin si Bitbit sa kompetisyon upang makisimpatiya sa kanyang mga ka-teammate.
Gayunpaman, wala pang opisyal na nagmula sa cycling federation.