Laban ng mga bigatin
Sa Miyerkules ay maghaharap ang league-leaders Alaska Milk at San Miguel Beer at tiyak na mataas ang magiging tension sa larong ito. Kasi nga, silang dalawa ang pinakamainit na koponan sa 2009 KFC-PBA Philippine Cup at kung ngayon matatapos ang double round eliminations, aba’y pasok na sila sa semifinals.
Nakauna ang Aces sa Beermen nang manaig ang tropa ni coach Tim Cone kontra sa kampo ni coach Bethune "Siot" Tanquingcen, 85-74 sa kanilang duwelo sa Panabo, Davao del Norte noong Oktubre 17.
Iyon ang ikalawang sunod na kabiguang nalasap ng Beermen sa torneo matapos na matalo din sila sa kanilang unang laro kontra Barangay Ginebra, 98-86.
Pero pagkatapos ng pagkatalong iyon ay rumatsada na ang Beermen at nakapagtala ng siyam na sunud-sunod na tagumpay upang umakyat sa ikalawang puwesto sa kartang 9-2 sa likod ng Alaska Milk na may 9-1.
True-to-form ang laro ng Aces at Beermen ngayon.Kumbaga’y talagang pinaninindigan nila ang kanilang tradisyon.
Kasi, ang dalawang ito ang winningest active franchises ng liga. Hindi nga ba’t bukod sa disbanded na Crispa Redmanizers na nakabuo ng dalawang Grand Slams, ang Alaska Milk at San Miguel ay nakakumpleto din ng triple crown.
Katunayan, ang Alaska Milk ang siyang tinaguriang Team of the 90s dahil sa nakaraang dekada nito nakamtan ang karamihan ng kampeonato at pati na rin ang Grand Slam. Matapos na mamayagpag ang Aces ay sumunod ang San Miguel sa panahon ng kabataan nina Danny lldefonso at Danny Seigle.
Perennial title contenders talaga ang dalawang ito at paminsan-minsan lamang nakakasingit ang ibang ko-ponan sa kanilang dominasyon.
Sinasabi ng mga observers na kaya nakauna ang Aces sa Beermen ay dahil sa nanatiling intact ang tropa ni Cone at iisa lang ang naidagdag na player sa katauhan ng rookie na si Mike Burstcher na hindi naman ginamit nang husto. So, hindi kinailangan ng Aces ng mahabang period of adjustment.
Sa kabilang dako, iba na ang main man ng San Miguel ngayon at ito’y si Arwind Santos na nakuha nila sa Burger King bago nagsimula ang season. Natural na nangangapa pa sila noon. Subalit nang mag-settle down na ang lahat ay umusad na rin ng Beermen kahit pa hindi na-kapaglalaro sina Ildefonso, Seigle at Anthony Washington na pawang may injuries. So dito pa lang ay kitang-kita na ang potential ng Beermen.
Kung titingnan ang stats ng una nilang pagtatagpo, makikitang halos parehas naman ang lahat ng de-partamento. Ang tanging kalamangan ng Aces ay sa three-point shooting department kung saan nagpapasok sila ng 12 sa 19 tira (63.2 percent). Ang Beermen ay may tatlo sa 17 lamang para sa 17.6 percent.
Iyon ang dahilan kung bakit malaki ang winning margin ng Aces. At tiyak na iyon ang pagtutuunan ng pansin ng Beermen sa Miyerkules.
Anuman ang maging resulta ng kanilang rebanse, tiyak na nasa itaas pa rin ng standings ang Aces at Beermen. Nakapagpondo na sila ng maganda at mahirap na silang tibagin sa kanilang kinalalagyan!
- Latest
- Trending