MANILA, Philippines - Binansagan bilang “Samboy Lim ng Visayas’, nagpa-kitang gilas na agad si Roger Yap sa lahat upang ipakilala ang sarili noong naglalaro pa ito sa University of San Jose Recoletos.
Hindi natinag sa pag-arangkada, lalong hinasa ng 32-anyos na manlalaro ng Purefoods Tender Juicy Hotdogs ang kakayahan sa tulong ng tiwala ni coach Paul Ryan Gregorio na bilib sa tikas ng kanyang laro at tinuturing na isa mga maasahan pagdating sa depensa. Subalit hindi lamang dito natuon ang kanyang husay nang magsalansan ito ng 21 points para itakas ang panalo ng koponan kontra sa mapanganib na Barangay Ginebra, 89-81.
Bunga ng pagpupursige, nalampasan ng TJ Hotdogs ang hamon ng Gin Kings at naitala ang ikatlong sunod na panalo para tumabla sa defending champion Talk N Text at Ginebra na may 7-4 kartada.
Bilang parangal, napisil ng PBA Press Corps si Yap na tanghaling Accel-KFC Player of the Week para sa Nobyembre 30 - Disyembre 6. Sa pangkaraniwan, naglista si Yap ng 16 points, 4 rebounds, 4 assists, 1 steal, 0.5 blocked shot at 3.5 errors sa loob ng 23.5 minutong nilaro niya sa dalawang laban.
“He’s been a fighter all his life. He’s been the most consistent defender among our guards. That’s already a given,” pahayag ni Gregorio. Bukod sa naiambag na puntos, naging pangunahing armas ito ng Hotdogs upang harangin ang opensa ng Gin Kings na pinangungunahan nina Enrico Villanueva at Rich Alvarez. (SNF)