MANILA, Philippines - Apat na koponan ang sesentro at umaasang magkakaroon ng magandang kampanya sa pagbubukas ng UAAP women’s volleyball na papalo sa The Arena sa San Juan City.
Makikipagtipan ang Ateneo sa University of the Philippines bandang alas-4 ng hapon habang haharapin naman ng University of the East ang National University sa pambungad na salpukan sa alas-2 ng hapon.
Magbibida sa kampanya ng Ateneo sina skipper Kara Acevedo, Bea Pascual, Gretchen Ho, Dzi Gervacio, Fille Cainglet, Jem Ferrer at Libero Stephanie Gabriel.
Nakamit ng Lady Eagles ang kanilang kauna-unahang semifinals appearance sa liga noong 2007-08 season sa pamamagitan nina Charo Soriano, Patti Taganas at Karla Bello.
Ang pagbangon naman mula sa 2-12 marka noong nakaraang taon ang aasintahin ng Lady Maroons.
Sasandal para sa Lady Maroons sina veterans Cathy Barcelon, Carmela Lopez, South Ramos, Pau Genido, rookies Angeli Araneta, Denise Data at Amanda Isada.
Puntirya ng Lady Warriors na mapaganda ang kanilang sixth place finish, habang pipilitin ng Lady Bulldogs na makabangon mula sa pagiging kulelat noong nakaraang taon sa ilalim ng bagong coach na si Dante Alinsunurin.
Sa men’s volleyball, haharapin naman ng UP Maroons ang Ateneo de Manila sa alas-9 ng umaga na susundan ng bakbakan ng University of Santo Tomas at De La Salle University sa alas-11 ng umaga.(SNFrancisco)