Kailan kaya matatapos ang paghihinagpis ng Coca-Cola Tigers?
Aba’y nagkaroon na sila ng malawakang pagbalasa sa line-up bago nagsimula ang torneo. Sila ang pinaka-busy na koponan noong off-season sa hangaring mapalakas ang kanilang roster.
Walong bagong manlalaro ang kinuha ni Kenneth Duremdes na nabigyan ng free hand upang i-assemble ang koponan sa tingin niya’y malayo ang mararating sa kasalukuyang season.
Pero minalas nga ang Tigers dahil sa kanilang ikalawang game kontra Barako Bull ay nagtamo ng severe ankle injury ang kanilang main man na si Paul Asi Taulava na hanggang ngayon ay hindi pa nakaka-recover at nagbabalik sa active duty.
Well, pwedeng maging excuse ang pagkawala ni Taulava o ang pangangapa ng mga baguhang players sa sistema ng Tigers.
Pero hindi kaya sapat na ang siyam na games sa first round ng eliminations ng 2009 KFC-PBA Philippine Cup upang makapag-adjust sila sa isa’t isa. Hindi pa ba sapat ang pitong games kung saan na-miss nila si Taulava upang makagawa ng tamang adjustments at mapunan ito?
Mahirap din talagang hanapin ang dahilan ng patuloy na pa-ngungulelat ng Tigers dahil sa kung ikukumpara ang kanilang line-up sa line-up ng ibang teams, aba’y mas malakas sila.
Well, nagpahiyang na ang Tigers. Kung hindi makuha sa pagbalasa ng players, nagtalaga na lang sila ng bagong coach. Iniakyat bilang head coach ang dating assistant na si Dolreich “Bo” Perasol dalawang Biyernes na ang nakallipas.
Hinalinhan ni Perasol si Duremdes na ngayon ay alternate representative ng Coca-Cola sa PBA Board of Governors. Magko-concentrate din si Duremdes sa pagtulong kay Joe Lipa sa grassroots sports development program ng Coca-Cola.
So, bale nasa kamay na ni Perasol ang pag-usad ng Tigers buhat sa ibaba ng standings.
Pero tila masama din ang naging umpisa ni Perasol. Sa kanyang unang laro bilang head coach ng Tigers ay tinalo ng Barangay Ginebra ang Coca-Cola, 113-104. Ito’y sa kabila ng pangyayaring nahihilahod din ang Gin Kings dahil sa pagkawala ng mga injured players na sina Jayjay Helterbrand, Mark Caguioa at Junthy Valenzuela.
Noong Miyerkules ay nalasap ng Tigers ang ikaanim na sunod na kabiguan nang sila’y maresbakan ng Purefoods Tender Juicy Giants, 88-79. Ang Purefoods ang tanging team na tinalo ng Tigers sa first round, 93-79 noong Oktubre 30.
Papasok sa larong iyon ay maraming nag-akalang makakaulit ang Coca-Cola. Kasi nga’y may pattern ang Giants na hindi nakakadalawang sunod na panalo o pagkatalo. Galing ang Purefoods sa 68-63 tagumpay sa Sta. Lucia Realty sa kanilang out-of-town game sa Surigao City noong Sabado. So kung masusunod ang pattern, nalilinya sa talo ang Giants. Pero nagawa ng Giants na baguhin ang kanilang pattern at tadhana nang magwagi sila sa Coca-Cola.
Kapag mamalasin ka nga naman!
Kung sabagay, hindi naman ganoon kalayo ang ibang teams na nasa unahan ng Tigers. Ang mahalaga lang naman ay may malampasan sila kahit na isang team para makaiwas sa pagkakalaglag sa pagtatapos ng double round elims.