MANILA, Philippines - Hindi natinag, pinatunayan ang pagiging kampeon, pinatumba ng NCAA titlist San Sebastian at UAAP champion Ateneo ang University of Santo Tomas at Letran upang umabante sa Final Four ng Philippine Collegiate Champions League sa Ynares Arena, Pasig kahapon.
Dinagit ang panalo, sinilo ng Blue Eagles ang pamamayani sa huling yugto ng laban upang ipos-te ang 81-72 iskor para humakbang sa semifinal round at makatipan ang mapanganib na San Beda Red Lions.
Sa kabilang banda, hinubog ng momentum sa nakalipas na season ng NCAA, dinomina ng Stags ang laro laban sa nagtatanggol na Letran, 84-65, at isaayos ang pakikipagtapatan nito sa FEU Tamaraws.
Nakatakda ang eng-kwentro sa semis sa Lunes kung saan madedetermina ang dalawang koponang mag-aagawan ng korona at P500,000 papremyo mula sa event na inisponsoran ng PLDT, Smart, ABS-CBN, Pagcor, The Philippine STAR at Molten.
Bagamat kulang sa key players, pinunan nina Kirk Long sa pamamagitan ng pagtipa ng 19 points, at Justin Chua na nagbigay ng 15 points at 14 rebounds, ang pagkawala nina Rabeh Al Hussaini at Ryan Buenafe.
Pinatulis ang rebounding, nakahugot ng 16 rebounds at 10 fastbreaks para ungusan ang Tigers.
Malungkot naman ang España-based squad na nangulila rin kay Dylan Ababou dahil sa pagsama nito sa Nationals at maglaro para sa Smart Gilas kontra Alaska sa PBA. Dahil dito, tinaguyod ni Allen Maliksi ang koponan sa kanyang 25 points, subalit sawing maiuwi ang panalo.
Samantala, para sa San Sebastian, naging kalamangan ang kakulangan ng Letran ng serbisyo nina RJ Jazul, Rey Guevarra at Junjun Alas.
Naglista ng kanyang 6-of-6 para sa 14 points, giniya ni NCAA MVP awardee Jimbo Aquino ang grupo sa tagumpay. Bukod sa eksplosibong performance nito, pinainit pa ng buong tropa ang paghahangad nang magbitiw sila ng solidong performance.
“We really wanted to win that’s why we kept our composure and never retaliated even as we’re hit by our opponents,” ani SSC center Ian Sangalang. (Sarie Nerine Francisco)