Reyes, Amit, kampeon sa World Mixed Doubles Classic
MANILA, Philippines - Kumalas mula sa 7-all na pagtatabla, inilista nina Efren ‘Bata’ Reyes at Rubilen Amit ng Team Philippines ang epikong finale laban kina Charlie Williams at Park Eun Ji ng Team Korea, 9-7 sa 2009 World Mixed Doubles classic sa Nuvo City Lifestyle Center sa Libis, Quezon City.
Bumangon sa ilang scratch mula sa breaks, naibulsa ng tambalang Pinoy ang tagumpay na nagkakahalga ng $6,000.
Ipinasok ang isang napakahirap na tira sa left corner, tinapos ni Amit, ang reigning women’s world 10-ball titlist ang panalo sa harap ng nagbubunying kababayan.
“Medyo sinuwerte kami sa huli,” nakangiting wika ni Reyes.
Masayang-masaya naman si Amit na makapartner ang kanyang iniidolo sa larong ito.
“Masayang makasama siya (Reyes). Isa siyang inspirasyon sa akin,” nakangiting wika ni Amit.
Babanderahan nina Reyes at Amit ang kampanya ng bansa sa 25th Southeast Asian Games na nakatakda sa December 9-18 sa Vientiane, Laos sa pakikipagtambalan sa kanyang kaibigang matalik na si Francisco ‘Django’ Bustamante sa men’s 9ball doubles at si Amit naman ay sasargo sa women’s 9-ball at 8-ball singles.
Nauna rito, bumawi ang tambalang Lee Van Corteza at Fil-Am Shannelle Loraine ng RP Team B sa Team Europe nina Mika Immonen ng Iceland at Borana Andoni ng Albania, 7-3, para sa ikatlong puwesto ng event na ipiniprisinta ng Nuvo Land Philippines, Inc. at Dragon Promotions at suportado ng The Philippine STAR, Puyat Sports, ABS-CBN Sports and ESPN-Star Sports.
Isang masayang paghihiganti ito para kay Corteza na tinalo ni Immonen kamakailan sa finals ng World 10-Ball championship. (SNF)
- Latest
- Trending