Team Philippines vs Team Korea sa finals
MANILA, Philippines - Nananalaytay ang dugong Pinoy, sumargo para sa panalo sina Efren “Bata” Reyes at Rubilen Amit nang ungusan ang Team Europe nina Mika Immonen ng Finland at Borana Andoni ng Albania, 7-1, upang makausad sa finals ng 2009 World Mixed Doubles Classic sa Nuvo City Lifestyle Center, Libis, Quezon City kahapon
Nagmula ang nakuhang panalo mula sa error-prone 7-4 opening day panalo kontra Japanese pair nina Hayato Hijikata at Kaori Ebe sa isang laban na nakilala ang abilidad ng Pinoy upang basagin ang four-all deadlock at ipako ang kanilang unang panalo.
Dahil sa taglay na husay, kinilalang sentro ng billiards universe ang Pilipinas bunga ng naipamalas na galing ni former world 9-ball at 8-ball champion na si Reyes. Subalit hindi rin pahuhuli ang pambato ng mga kakabaihan sa katauhan ni Amit na bumandera sa pamamagitan ng kanyang madiskarteng pocketing at solidong breaks.
Nakilala rin ng lahat si Amit nang dominahin nito ang World 10-ball women at iuwi ang titulo ng torneong pinamahalaan ng RP.
Gayunpaman, nakapwesto pa rin ang Team Europe sa second place ng Group A at may tsansang sumargo sa pangkalahatang third place ng $12,000 torneong suporatdo ng Puyat Sports, ABS-CBN Sports, ESPN-Star Sports at Philippine Star.
Samantala, binigo ng Team Korea ang all-Pinoy finals nang igupo nila ang tambalang Lee Van Corteza at Shannelle Loraine, 7-3 ng Team RP-B. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending