RP boxers babawi
MANILA, Philippines - Matapos ang kontrobersyal na kabiguan ng national men’s boxing team na makasuntok ng gintong medalya sa 24th Southeast Asian Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand, ang pagbangon mula dito ang pakay ng tropa sa Vientiane, Laos sa Disyembre 9-18.
Pangungunahan ni three-time SEA Games gold medalist Harry Tañamor ang five-man boxing team para sa 2009 Laos SEA Games.
Bukod sa karibal na Thailand, sinabi ni national team head coach Pat Gaspi na wala silang koponan na babalewalain sa naturang biennial event, kasama na rito ang Malaysia at Indonesia.
“Hindi natin winawalang bahala `yung iba pa, tulad ng Malaysia and Indonesia,” wika ni Gaspi. “Even `yung host country sigurado magpu-pumilit iyan. Pero Thailand pa rin ang pinakamabigat natin na kalaban.”
Maliban sa light flyweight na si Tañamor, ang iba pang miyembro ng tropa ay sina pinweight Bill Vicera, flyweight Rey Saludar, bantamweight Joan Tipon, featherweight Charly Suarez at lightweight Joegin Ladon.
Ito ang unang pagkakataon na lalaban sa SEA Games sina Suarez at Saludar.
“Medyo may pag-asa tayo sa gold medal pero ‘yung Thailand hindi pa natin alam kung sino ‘yung entry nila sa light flyweight division,” sabi ni Tañamor.
Magtutungo ang koponan sa Laos sa Disyembre 6, samantalang magsisimula ang kanilang kompetisyon sa Disyembre 11 kasunod ang labanan sa women’s division sa Disyembre 12. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending