Kahit walang international exposures, tiwala si Perez sa magiging performance

MANILA, Philippines - Kahit na walang international exposure ngayong taon, tiwala pa rin si Olympic Games campaigner Shiela Mae Perez na maganda ang ipapakita ng buong national diving team para sa 25th Southeast Asian Games sa Laos.

Ayon kay Perez, lumahok sa 2000, 2004 at 2008 Olympic Games sa Sydney, Australia, sa Athens, Greece at sa Beijing, China, ayon sa pagkakasunod, wala silang tigil sa pagsasanay para sa nasabing biennial event na nakatakda sa Disyembre 9-18.

"Kahit na hindi kami nabigyan ng international exposure this year, tuluy-tuloy pa rin 'yung ginagawa naming practice para sa Southeast Asian Games," ani Perez.

Makakasama ni Perez sa pagsabak sa diving competition ng 2009 Laos SEA Games sina SEA Games gold medalist Jaime Asok, Nino Carog, Zardo Domenios at Rexel Ryan Fabriga.

Tatlong gintong medalya ang inangkin ng tubong Davao City na si Perez sa women's 3-meter springboard, synchronized 3-meter springboard at 1-meter spring board events ng 2005 Philippine SEA Games.

Isang gold at isang silver medal naman ang naiuwi ni Perez mula sa 2007 SEA Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

"Gagawin talaga namin ang lahat ng makakaya namin para makapagbigay kami ng kara-ngalan sa bansa natin," wika ni Perez, hindi nakalahok sa synchronized 3-meter springboard sa Thailand SEA Games bunga ng pagreretiro ng kanyang katambal na si Domenios.

Ang mga diving events na ilalaro sa 2009 Laos SEA Games ay ang men's at women's 3m springboard at ang 10m platform. (Russell Cadayona)

Show comments