40-50 golds ang prediksiyon ni GTK
MANILA, Philippines - Kumpiyansa ang Philippine Olympic Committee (POC) na makakapag-uwi ang Team Philippines ng 40 hanggang 50 gintong medalya para sa 25th Southeast Asian Games.
Ang mga ito, ayon kay Go Teng Kok ng track and field association at tumatayong special assistant kay POC president Jose "Peping" Cojuangco, Jr., ay magmumula sa athletics, swimming at diving.
Matapos tanghaling overall champion noong 2005 mula sa nakolektang 113 gold medals, nahulog naman sa ikaanim na puwesto ang Team Philippines sa 2007 SEA Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Ukol naman sa idinagdag ni Cojuangco na 98 national athletes sa naunang 153 na napili ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Harry Angping, sinabi ni Go na ang mga ito ay tiyak nang makakalahok sa 2009 Laos SEA Games.
"Yes, everybody will go to Laos, the POC president was able to raise the needed funding from the private sectors, mostly his friends, to shoulder the expenses of those left out by the PSC," ani Go sa lingguhang SCOOP sa Kamayan kahapon sa Padre Faura, Malate.
Tanging sina Go at Chef De Mission Mario Tanchangco ng sepak takraw association ang may iskedyul na sa pagbiyahe sa Laos sa Disyembre 3 kumpara sa 98 atletang popondohan ng POC.
"Definitely, a batch, which includes my 20-athlete track and field team, will be departing Dec. 6 for the opening ceremony on Dec. 8," ani Go. "As for the rest, we don’t know yet kasi 'yung 153 athletes, PSC ang nagpapa-book at 'yung 98 ang POC."
Nauna nang tiniyak ni Angping na wala nang magiging problema ang kanyang susuportahang 153 atleta para sa paglahok sa 2009 Laos SEA Games.
Ang atletang magwawagi ng gold medal sa 2009 Laos SEA Games ay nakatakdang tumanggap ng kabuuang cash incentive na P300,000, ayon sa PSC head. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending