MANILA, Philippines - Wala nang dapat ipag-alala si Rodel Mayol ukol sa pagiging lehitimo ng kanyang naagaw na World Boxing Council (WBC) light flyweight crown.
Sa isang press conference kahapon sa Mexico City, kinumpirma ni WBC president Jose Sulaiman na hindi niya maaaring bawiin ang titulo ni Mayol matapos magsampa ng protesta ang dating kampeong si Mexican Edgar Sosa.
"The WBC does not have in its rules a modification of a decision once the local commission has given it," ani Sulaiman sa BoxingScene.com. "If we change the rule it would be chaos."
Matatandaang umiskor ang 28-anyos na si Mayol ng isang second-round TKO sa 30-anyos na si Sosa upang agawin sa Mexican ang suot nitong WBC light flyweight belt noong nakaraang Linggo sa Mexico City.
Inireklamo ng kampo ni Sosa, matagumpay na naidepensa ang kanyang korona ng 10 beses bago nabigo kay Mayol, ang pagturing ni referee Roberto Ramirez ng Puerto Rico na isang 'unintentional head-butt' ang nangyari sa second round.
Bunga ng pagkahilo ni Sosa dahilan sa pagkabasag ng buto sa kanyang kaliwang pisngi, nirapido na ng tubong Mandaue City, Cebu ang Mexican fighter hanggang itigil ni Ramirez ang laban.
"A boxing match in which the ring officials and the doctor behave in accordance to the rules must be respected," ani Sulaiman. "If the doctor or the referee did wrong, then this is a matter of the WBC contacting and putting this people under notice that they should improve, including giving them some clinics and training."
Bilang pampalubag loob sa pagdedepensa ni Sosa sa kanyang WBC title ng 11 beses, kinilala ng WBC ang Mexican bilang 'Emeritus Champion' at maaaring labanan si Mayol sa isang rematch.
Sa kanyang operasyon na tumagal ng halos tatlong oras, nagkaroon si Sosa ng triple fracture sa kanyang kaliwang cheekbone na umaapekto sa kanyang mga mata, ilong at pisngi at nilagyan ng dalawang titanium plates na may turnilyo.
Lima hanggang anim na buwan ang panahong ipapahinga ni Sosa bunga nito. (RCadayona)