KHANTY-Mansiysk, Russia -- Inilista ni GM Wesley So ng Philippines ang isa sa pinakamalaking upset na panalo sa 2009 World Chess Cup nang humatak ito ng sopresa kay dating world championship contender GM Vassily Ivanchuk ng Ukraine sa ikalawang round sa Khanty-Mansiysk Festival of Arts dito.
Kasunod lamang ng kanyang kumbinsidong 4-1 panalo kay GM Gadir Guseinov ng Azerbaijan isa pang malaking panalo ang inilista ni So nang igupo niya ang 6th seed na si Ivanchuk sa 39 moves ng una sa kanilang dalawang laban sa 64-player second round.
Kailangan na lamang ni So, isa sa kinokonsiderang pinakamalakas na player sa mundo sa 16 years old pababa, na makipag-draw kay Ivanchuk hawak ang llamadong puting piyesa sa kanilang ikalawang laro para makasulong sa 32 player third round.
Kung mananalo si Ivanchuk, isang tiebreak stage ang magaganap.
Samantala, dalawa pang Pinoy campaigners --sina GMs Rogelio Antonio Jr. at Darwin Laylo ang nalaglag na sa kontensiyon sa unang round pa lamang.
Natalo si Antonio kay GM Gata Kamsky, .5-1.5, habang yumuko naman si Laylo kay No. 21 seed GM David Navara ng Czech Republic, 2-4, kabilang na ang dalawang sunod na kabiguan sa rapid tiebreak games.