Pacquiao, Roach nakasisiguro na sa BWAA Boxer at Coach of the Year

MANILA, Philippines - Inaasahang si Manny Pacquiao na naman ang tatanggap ng Fighter of the Year award at si Freddie Roach din ang bibigyan ng Coach of the Year award mula sa Boxing Writers Association of America (BWAA).

Ayon sa boxingscene.com. bagamat hindi pa sila nagbobotohan, halos sigurado na si Pacquiao para sa parangal matapos ang kanyang mga impresibong tagumpay sa taong ito.

Tinalo niya si Ricky Hatton na pinabagsak niya sa ikalawang round lamang at tinalo rin niya via TKO si Miguel Cotto sa kanila 12-round bout nitong Nob. 14 lamang para makopo ang ikapitong titulo sa iba’t ibang weight divisions.

Napanalunan na ni Pacquiao ang naturang award noong 2006 at noong nakaraang taon kung saan naungusan niya si Oscar dela Hoya.

Di tulad ni Pacquiao, wala pang kasi-guraduhan kung makokopo na ni Roach ang ikawalong Trainer of the Year award.

Gayunpaman malaki ang kanyang tsansa dahil bukod sa pagtulong niya kay Pacquiao siya rin ang dahilan ng tagumpay ni Amir Khan laban kay Breidis Prescott na pinabagsak niya sa unang round lamang.

Tinalo din ni Khan si Mexican Legend Marco Antonio Barrera at Andreas Kotelnik sa tulong ni Roach. (Mae Balbuena)

Show comments