'Fit 'n Right' pa rin ang Kenyan runner
MANILA, Philippines - Mula sa 41.195-kilometer race hanggang sa 10K event ay hindi na mapigil ang mga Kenyan runners sa pagdomina sa international marathon sa bansa.
Kahapon, nagposte si Ken-yan Willy Tanui ng tiyempong 31 minuto at 30 segundo upang pagharian ang Fit ‘N Right Challenge Fun Run ng Del Monte sa SM Mall of Asia grounds.
Tinalo ng 25-anyos na si Tanui sina Alley Quisay ng Philippine Army (32:24.0) at dating University of Sto. Tomas bet Ben Alejandrino (32:35.0) para sa top prize na P10,000 sa men's division.
"This is my third race here in the Philippines and this is also my first time to win," sabi ni Tanui, nagtapos bilang third-placer sa nakaraang 24K Subic Bay International Marathon at 11th-placer sa Pasig Marathon.
Ang QCIM ay pinamahalaan nina Kenyans Hillary Kimutai Kipchumba at Doreen Kitaka sa 42K at 21K events, ayon sa pagkakasunod.
Para kay Tanui, hindi naging madali ang kanyang panalo sa kabila ng mas mahahaba niyang biyas kumpara sa 29-anyos na si Quisay at 23-anyos na si Bernardino.
"It was a very moderate race but I was able to pull away in the last one kilometer," wika ng 5-foot-11 na si Tanui, isa sa anim na Kenyan runners na sinusuportahan ng Mr. PI Water Ultra Medix Inc. ng Subic.
Sa women's side, nagreyna naman si Maricel Maquilan sa inirehistro niyang 38:28.0 kasunod sina Monica Torres (39:26.0) at Michelle Ann Azarcon (46:26.0).
Nanaig naman sa 5K si Mervin Guarte mula sa kanyang bilis na 15:17.4 sa itaas ng 15:25.6 ni Jujet De Asis at 15:30.2 ni Gerald Sabal, habang namayani naman sa distaff side si Serenata Sabua sa oras na 18:40.9 kasunod sina Emma Magarbo (19:32.0) at Luisita Rasarte (19:58.0).
Ang entry fee na P300 ay mapupunta sa mga naging biktima ng mga bagyong sina "Ondoy" at "Pepeng" sa pamamagitan ng SM Cares Foundation. (RC)
- Latest
- Trending