MANILA, Philippines - Nakipagbuno ang Sta. Lucia Realty ngunit nagawa nilang ilusot ang 80-77 overtime win kontra sa Barako Bull kagabi sa pag-usad ng KFC PBA Philippine Cup na nagpatuloy sa Araneta Coliseum.
Ikinonekta ni Nelbert Omolon ang dalawang krusyal na free-throws papasok sa huling 8.6 segundo ng labanan para sa panigurong apat na puntos na kalamangan, 80-76 mula sa foul ni Gilbert Lao.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Sta. Lucia para sa kanilang pagsulong sa 5-3 win-loss slate habang nalasap ng Bulls ang ikalimang sunod na talo sanhi ng kanilang pagbagsak sa 2-7 record sa lowest scoring overtime game sa loob ng anim na taon nang matalo naman ang Sta. Lucia sa parehong score noong 2003 All Filipino Cup eliminations.
“Red Bull did a good job, my players played bad,” pahayag ni Sta. Lucia coach Boyet Fernandez.
Matapos itabla ni Nelbert Omolon ang iskor sa 66-all matapos ang dalawang free-throws, ilang oportunidad ang sinayang ng Barako Bull para iselyo ang panalo kaya humantong sa overtime ang laro.
Tumapos si Joseph Yeo ng 16-puntos upang pangunahan ang Realtors katulong sina Gabby Espinas at Kelly Williams na may 15 at 14-puntos ayon sa pagkakasunod habang si Omolon ay may siyam na puntos lamang.
Habang sinusulat ang balitang to, naglalaban ang league leader Alaska Aces at Purefoods. (MBalbuena)