MANILA, Philippines - Para sa 19-anyos na si "Marvelous" Marvin Sonsona, hindi natatapos sa kanyang pagiging bagong world super flyweight champion ang pagpapatunay sa kanyang kakayahan.
Ayon kay Sonsona, gusto niyang ipakita sa buong mundo na hindi tsamba ang kanyang unanimous decision win sa 34-anyos na si Jose "Carita" Lopez noong Setyembre 4 para sa suot ng Puerto Rican na World Boxing Organization (WBO) crown sa Casino Rama sa Ontario, Canada.
Nakatakdang idepensa ni Sonsona ang kanyang hawak na WBO super flyweight title laban kay Mexican challenger Alejandro "Payasito" Hernandez ngayon sa Casino Rama.
Dinadala ng tubong General Santos City ang 14-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 12 KOs, habang taglay naman ng 23-anyos na si Hernandez ang 22-7-1 (11 KOs) slate.
Si Sonsona ang pang limang world boxing champion ng bansa matapos sina seven-division titlist Manny Pacquiao, flyweight Nonito "The Filipino Flash" Donaire, Jr., super flyweight Brian "The Hawaiian Punch" Viloria at minimumweight Donnie "Ahas" Nietes.
Ito naman ang magsisilbing ikalawang world title shot ni Hernandez matapos mabigo kay dating WBO super flyweight king Omar Narvaez ng Argentina via unanimous decision.
"Sonsona is a young, left-handed boxer. Difficult, and battle-hardened as all the Filipinos, but I will win anyway," ani Hernandez sa Filipino champion. "I will fight with a lot of intelligence, my experience is a point to my favor."
Nasa undercard ng Sonsona-Hernandez world super flyweight championship ang laban ni Ciso Morales (13-0-0, 8 KOs) kay Mexican Miguel Angel Piedras (10-1-0, 4 KOs) para sa junior featherweight bout.
Kasama rin dito ang eight-round bout nina dating world junior featherweight champion "The Canadian Kid" Steve Molitor (30-1, 12 KO’s) at Jose "Pamperito” Saez (17-8-4, 8 KO’s) ng Argentina. (Russell Cadayona)