MANILA, Philippines - Pinagkalooban ng Order of Sikatuna na may ranggong Datu si pound for pound boxing icon Manny Pacquiao ni Pangulong Arroyo sa ginanap na hero’s welcome sa Pambansang Kamao na ginanap sa Quirino Grandstand sa Luneta Park, Maynila kahapon.
Ang Order of Sikatuna ay ang pinakamataas na pagkilala na ipinagkakaloob sa mga ambassador na nagtatapos ang kanilang tour of duty sa Pilipinas.
Inatasan ni Mrs. Arroyo ang Philippine Sports Commission (PSC) na manguna sa paghahanda ng parangal para kay Manny Pacquiao sa Quirino Grandstand sa halip na gawin lamang ito sa Malacañang.
Hindi man nag-courtesy call si Pacquiao sa Malacañang tulad ng nakagawian sa tuwing mag-uuwi ito ng korona sa kanyang mga laban ay isang engrandeng ‘heroes welcome’ naman ang ipinagkaloob sa kanya ni Pangulong Arroyo sa Quirino Grandstand na sinaksihan ng kanyang mga fans.
Nilinaw naman ni Pangulong Arroyo na kaya ginawa sa Luneta ang pagbibigay parangal kay Pacquiao ay dahil espesyal ang pagkakaloob na parangal sa kanya dahil sa nakamit nitong kakaibang 7 championship belt sa larangan ng boksing.
Mula umaga kahapon ay naglunsad din ang PCSO ng Common Tao Day kung saan ay mayroong medical at dental mission sa Quirino Grandstand para sa mga tagahanga ni Pacquiao.
Si Pacquiao ay itinuturing na isa sa mga great fighter matapos makuha nito ang record na 7 ibat ibang championship belt mula sa 7 ibat ibang division sa boxing.
Tulad ng inaasahan, hindi mahulugang karayom ang Quiapo church matapos na dumating sina boxing champ Pacquiao at misis nitong si Jinkee upang dumalo ng misa ng pasasalamat para sa kanyang matagumpay na laban kay Miguel Cotto.
Matapos ang misa, sinabi ni Manny na ang kanyang tagumpay ay mula sa Panginoon na walang sawang sumuporta sa kanyang mga laban at sa kanyang pamilya. (Nina Rudy Andal at Doris M. Franche)