Sonsona, may plano na vs Mexican challenger

MANILA, Philippines - Ngayon pa lamang ay may nabuo nang plano si Filipino world super flyweight champion "Marvelous" Marvin Sonsona laban kay Mexican challenger Alejandro Hernandez.

Ayon sa 19-anyos na si Sonsona, siya ang mas magiging agresibo sa kanilang banggaan ni Hernandez sa Linggo (Manila time) sa Casino Rama sa Ontario, Canada.

"Gagawin ko na lang talaga dito, susugurin ko siya kasi kapag sinugod ko siya, mawawala 'yung style niya," wika ni Sonsona sa kanyang unang pagdedepensa ng suot niyang World Boxing Organization (WBO) super flyweight crown.

Kumpiyansa rin si Filipino trainer Nonito "Mang Dodong" Donaire, Sr. na mapapatulog ni Sonsona si Hernandez.

"Noong nakita ko ang last na laban ni Hernandez, puro takbo. Takbo nang takbo, saka walang lakas. So malaki ang posibilidad na babagsak din kay Marvin ito," wika ni Donaire, Sr. sa Mexican challenger.

Kasalukuyang dinadala ng tubong General Santos City ang kanyang matayog na 14-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 12 KOs, habang tangan ni Hernandez ang 22-7-1 (11 KOs) slate.

Tinanghal si Sonsona na pang limang Filipino world boxing champion matapos talunin ang 34-anyos na si Jose "Carita" Lopez via unanimous decision para agawin sa Puerto Rican fighter ang WBO super flyweight belt noong Setyembre 4 sa Casino Rama.

Nabigo naman si Hernandez sa kababayang si Wilbert Uicab para sa Mexico at NABF flyweight crown noong Setyembre.

Nasa undercard ng Sonsona-Hernandez world super flyweight championship ang laban ni Ciso Morales (13-0-0, 8 KOs) kay Mexican Miguel Angel Piedras (10-1-0, 4 KOs) para sa junior featherweight bout. (Russell Cadayona)

Show comments