$4 milyon ang gastos ng NBN-4 para sa Laos SEA Games
MANILA, Philippines - Sa broadcast fee na $4 milyon para sa pagsasaere ng mga aksyon sa 25th Southeast Asian Games sa Laos, posibleng maski isang sports event ay walang mapanood ang mga Filipino sa Disyembre.
Sinabi ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose "Peping" Cojuangco, Jr., na wala siyang makuhang konkretong sagot mula sa nag-oorganisang Vientiane, Laos para sa television coverage ng 2009 SEA Games.
"May nagsabi sa akin na mahal nga daw ang sinisingil ng Laos. Kung ganito nga, malamang na wala tayong mapanood na sports event ng 2009 Southeast Asian Games," ani Cojuangco.
Ang Channel 4 ang tradisyunal na nagpapalabas ng mga aksyon sa SEA Games, Asian Games at Olympic Games.
Para sa naturang biennial event na nakatakda sa Disyembre 9-18, isasaere ang mga aksyon sa 14 television channels sa anim na bansa.
Ang mga television networks na pumayag na sa hinihingi ng Laos SEA Games Organizing Committee ay ang Brunei Radio and Television, Lao National Radio and Lao National Television, Lao Star Channel, Forever Group Co. Ltd (FRTB4-Myanmar), Media Corp TV Singapore Pte. Ltd, National Broadcasting Service of Thailand (NBT), TPBS, Channel 7, Channel 5, VTC Digital-Vietnam, VTV, TOT Co. Ltd. at CAT Telecom Co. Ltd.
Ang Phetchampa Advertising Company (PAC) ang kumakatawan sa Lao SEA Games Organising Committee (LAOSOC).
Gagamit ang Laos ng 16 mobile broadcasting vans para kunan ang mga aksyon sa lahat ng sports venues na kinabibilangan ng main sports complex, indoor stadiums sa National University of Laos, ang Chao-Anou football stadium, ang Lao-ITECC arena at ang Bungkha-nhong indoor stadium. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending