Del Rosario pasok sa q'finals

MELAKA, Malaysia - Kinumpleto ni Liza del Rosario ng Philippines ang 24-game qualifying round sa pamamagitan ng 5,098 pins noong Miyerkules ng gabi para sa 5th rank at makapasok sa women’s quarterfinals ng 45th QubicaAMF World Cup tournament sa 52-lane bowling center dito.

Nasa kanyang ikaapat na international finals, naglista si Del Rosario ng 203, 193, 202, 202, 217, 239, 209 at 202 sa kanyang ikatlong 8-game block para tapusin ang maningning na rally mula 11th place sa opening round.

Nakasama ng Pinay ang 23 pang ibang bowlers sa quarterfinals ng mahigpitang individual amateur competition na pinamumunuan ni Zara Giles ng England,na bandera na simula pa lamang ng laban na may 5,275 sa 24 games at 219.79 average.

Pumangalawa naman si Malysian Siti Safiah Amirah na may 5,241, kasunod sina Canadian Caroline Lagrange (5218), Russian Evgenia Tsarkova (5175),at Americans Tenelle Milligan (5,122), Del Rosario, Swedish Helen Johnsson (5,092), Korean Baek Seung-ja (5,065), Australian Ann-Maree Putney (5,054) at Patcharin Torgersen ng Norway (5,032).

Patuloy naman ang pagpapagulong ni four-time champion Paeng Nepomuceno para sa puwesto sa men’s quarterfinals habang sinusulat ang balitang ito.

Show comments