May positibong senyales na kay Gorres
MANILA, Philippines - Umaasa ang mag-amang Tony at Michael Aldeguer ng ALA Boxing Promotions na makakaligtas si Filipino super flyweight Z “The Dream” Gorres mula sa pagkakalagay nito sa 'medically-induced coma'.
Siyam na taon pa lamang ang 27-anyos na si Gorres ay nasa pangangalaga na siya ni Tony Aldeguer sa Cebu City.
Matapos talunin si Luis Melendez ng Colombia via unanimous decision sa kanilang non-title fight noong Linggo sa Mandalay Bay House of Blues sa Las Vegas, Nevada, biglang kumulapso si Gorres sa kanyang corner.
Agad na nagsagawa si Dr. Michael Seiff ng University Medical Center sa Las Vegas ng isang emergency surgery upang mabawasan ang pamamaga sa utak ni Gorres.
“Please ask the Lord not to take him yet,” pakiusap ni Tony Aldeguer sa sambayanan para sa kaligtasan ni Gorres, nagdadala ngayon ng 30-2-2 win-loss-draw ring record kasama ang 15 KOs. “We need your prayers for him.”
Ayon kay Seiff, mananatili si Gorres sa UMC kung hindi ito ililipat ng ospital sa loob ng apat hanggang anim na buwan kasabay ng patuloy na pag-oobserba sa kanyang kondisyon.
“If an ordinary person, like you and me, will be in Gorres’ condition the chances of survival is very slim,” sabi ni Fil-Am Dr. Allan Recto ng World Boxing Council (WBC) sa pagkakaroon ni Gorres ng hematoma subdural. “Only because Gorres is an athlete that he has more chance to survive.”
Bukod kay Tony Aldeguer, naging gabay rin ni Gorres sa kanyang boxing career si dating WBC secretary-general Dr. Rudy Salud nang ito ay manirahan sa tahanan ng huli sa La Vista, Quezon City. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending