Gorres kumpiyansa kontra sa Colombian boxer
MANILA, Philippines - Sa tulong na rin ni American trainer Freddie Roach, kumpiyansa si Filipino super flyweight Z "The Dream" Gorres na mananalo siya kay Luis Melendez ng Colombia sa kanilang non-title fight bukas (Manila time) sa Mandalay Bay House of Blues sa Las Vegas, Nevada.
Inaasahan ng 27-anyos na si Gorres na magiging matindi ang kanilang sagupaan ng 29-anyos na si Melendez.
Kasalukuyang ibinabandera ng tubong Nasipit, Agusan del Norte ang 30-2-2 win-loss-draw ring record kasama ang 17 KOs, samantalang dala naman ni Melendez ang 26-3-1 (21 KOs) card.
Sakaling manalo kay Melendez, itinakda na ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang rematch nina Gorres at Mexican Fernando Montiel (39-2-2 (29 KOs) sa Pebrero 13, 2010 sa Las Vegas Hilton.
Sumasakay si Gorres, natalo kay Montiel via unanimous decision sa kanilang World Boxing Organization super flyweight championship noong Pebrero 24, 2007 sa Cebu City, sa isang three-fight winning run.
Nasa boxing card rin ng Gorres-Melendez si Filipino light welterweight sensation "Mighty" Mark Jason Melligen na sasagupa naman kay Mexican Michel Rosales.
Tangan ng 23-anyos na tubong Bacolod City na si Melligen ang 16-1-0 (12 KOs) slate kumpara sa 24-3-0 (21 KOs) ni Rosales.
Makakaharap naman ni Federico Catubay (25-15-3, 13 KOs) si Juan Alberto Rosas (30-5-0, 25 KOs) ng Mexico para sa International Boxing Federation (IBF) super flyweight title eliminator. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending