Torres reyna sa long jump
MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang 27 taon, may isang Filipina athlete na nagreyna sa Asian Athletics Championship makaraan si track queen Lydia De Vega.
Nilundag ni Marestella Torres ang 6.51 meters upang angkinin ang gold medal sa women's long jump ng prestihiyosong 2009 Asian Athletics Championship sa Guangzhou, China.
Inangkin ni De Vega ang gintong medalya sa sprint event ng naturang kompetisyon noong 1987 sa Singapore.
Tinalo ni Torres, isang two-time gold medalist sa Southeast Asian Games, para sa gold medal sina world No.9 Chen Ya Ling ng China (6.28m) at Masumi Sachiko ng Japan (6.28m).
"Ito na 'yung isa sa pina-kamaganda kong performance at confident akong magiging maganda ang ipapakita ko sa darating na Southeast Asian Games sa Laos," wika ng 28-anyos na si Torres.
Bago ito, nag-uwi na rin si Torres ng bronze medal mula sa Asian Championship noong 2002.
Bukod kay Torres, isang two-time Olympic Games campaigner, sasabak rin sa 25th SEA Games sa Laos sa Disyembre 9-18 sina Henry Dagmil, Eduardo Buenavista, Rene Herrera, Arnel Ferreira, Mercedita Maglipon at Julius Nieras. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending