MANILA, Philippines - Natuto na ng leksiyon ang Purefoods at isinagawa nila ang kanilang napag-aralan kagabi upang talunin sa ikalimang sunod na pagkakataon ang Talk N Text, 108-102 sa PBA Philippine Cup na nagpatuloy kagabi sa Araneta Coliseum.
Naging aral sa Purefoods ang nangyari sa kanila sa kanilang huling laro kung saan maaga silang nagce-lebrate at lumasap ng upset sa huli kontra sa Coca-Cola, 79-93, dalawang linggo na ang nakakaraan.
“Were pretty much trying to manage our excitement level. Obviously we were not able to control our excitement level where in celebrating early. Looking back at our last game, I though we were a bit arrogant,” pahayag ni coach Ryan Gregorio ng Purefoods na sumulong a ikatlong panalo matapos ang limang laro.
Naging focus sa lahat ang rookie na si Rico Maierhofer, na umaming laging nangunguna sa pagseselebra kaya bumawi ito at tumapos ng 20-puntos kabilang ang 10 sa unang quarter bukod pa sa 10 rebounds, apat na blocks at dalawang steal.
Kontra pelo talaga ng Tropang Texters ang TJ Giants na hindi nakaasa kay PJ Simon na may injury sa kanang paa, matapos nilang malasap ang ikalimang talo sa kanilang head to head at ikalawang sunod matapos ang dalawang panalo sa kumperensiyang ito.
Nagbanta pa ang Talk N Text nang sinikap nilang bumangon mula sa 10-point deficit at nakalapit sa 99-101 papasok sa 1:23 minuto ng laro.
Samantala, habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang nagbabakbakan ang Rain Or Shine at Barangay Ginebra. (Mae Balbuena)