Silver lang ang nasisid ni Molina
HANOI – Nagkasya si tanker Miguel Molina sa silver medal sa kanyang paboritong 200m Individual Medley event at nagdagdag naman ng bronze si sanshou artist Jennifer Lagilag nang tapatan ng Philippine Team ang best medal showing ng bansa sa Asian Indoor Games at may pagkakataon silang higitan ito patungo sa huling dalawang araw ng aksiyon.
Ang 25-gulang na swimmer, ang 2007 Thailand SEA Games Best Male Athlete, ay tumapos bilang second sa likod ni Kazakhstani Dimitriy Gordiyenko matapos mahirapan sa unang 50 meters ng race.
Ang finals ay ginanap noong Miyerkules ng gabi sa My Dinh National Aquatics Center at tila pagod na si Molina na ikaanim lamang sa walong finalist sa unang 50metro ng karera.
Bagamat bumilis ito sa huling 150meters, napag-iwanan na ito ni Gordiyenko para sa silver medal finish.
Mas mabilis na ang oras ni Gordiyenko, nagtala ng best time sa heats sa oras na 2:00.51, na 1:57:50 para sa gold medal. Si Molina, nakapasok sa finals dahil sa kanyang third best time na 2:03:26, ay kinapos ng 2.39 tikada sa oras na 1:59.89 habang ang bronze medal ay napunta kay Chinese Taipei bet Hsu Chi-chieh sa oras na 2:00.88.
Ang kampanya ni Molina para sa isa pang medal sa 50-m breast kahapon ay hindi nangyari matapos itong mabigong makapasok sa finals.
Natapat naman si Lagilag sa mas mataas at mas mahusay na kalaban na si Vietnamese Nguyen Thi Bich na tumalo sa kanya sa, 0-2, sa semifinals bout ng 48 kilogram division sa sanshou kahapon sa Trinh Hoai Duc Gymnasium.
Susubukan naman ni Rhea May Rifani na makuha ang sanshou gold medal sa pakikipag-harap kay Gong Jinlan ngayon sa 52-kilogram division.
- Latest
- Trending