MANILA, Philippines - Anim hanggang siyam na gintong medalya ang ipinangako kahapon ni Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) president Go Teng Kok na kanilang kukunin sa 25th Southeast Asian Games sa Laos.
Ang pinagbasehan ni Go ay ang pamumuno ng kanyang mga atleta sa siyam na events ng Asian Amateur Athletics Federation.
"In athletics, we are number one in nine events in Southeast Asia. And if we are number one in those nine events, that means we are looking for nine gold medals in 2009 Southeast Asian Games in Laos," ani Go.
Sa 2005 Philippine SEA Games kung saan tinanghal na overall champion ang mga Pinoy, kabuuang 9 golds, 10 silver at 7 bronze medals ang inangkin ng mga atleta ni Go sa ilalim ng Thailand (11-11-18).
Ang mga ginto ay kinuha ng PATAFA sa men's 400m, men's 4x400m relay, men's 3,000m steeplechase, men's at women's long jump, men's javelin, men's hammer throw, women's 10,000m run at women's marathon.
Sa 2007 SEA Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand na pinagharian nito, nag-uwi ang PATAFA ng 5 golds, 7 silvers at 9 bronze medals.
Ang mga gintong medalya ay nanggaling sa men's 400m, men's, men's 3,000m steeplechase, men's at women's long jump, men's hammer throw.
Ipinagyabang rin ni Go na may 11 rin siyang atletang nasa No. 2 sa buong Southeast Asia na inaasahang sisikwat ng gintong medalya sa 2009 Laos SEA Games sa Disyembre 9-18. (Russell Cadayona)