Albania, Martinez susuntok sa gold medal bout
HANOI – Nais nina boxers Annie Albania at Mitchel Martinez na makapagtala ng kasaysayan sa pagsabak ng dalawa sa championship round matches ng women's boxing event sa 3rd Asian Indoor Games sa Bah Ninh Gymnasium.
Walong finals bouts na magsisimula sa alas-3:00 ng hapon (alas-4:00 ng hapon sa Pilipinas) kung saan inaasahan ang tagumpay nina Albania at Martinez upang iselyo ang pinakamagandang pagtatapos ng bansa dito sa AIG.
Sa ngayon, may tig-isang ginto nang naiuwi ang bansa mula sa 2005 Bangkok at 2007 Macau editions na parehong galing sa sport ng muay.
Nakapasok sa final round si Albania, silver medalist sa huling World Women's Championships, matapos ang 6-0 panalo kay Indian Chhoto Loura habang umiskor naman si Martinez, 2005 Asian champion, ng 13-9 panalo kay local bet Vui Nguyen Thi noong Lunes sa semifinals.
Makakaharap ni Albania ang Thailander na si Sopida Satumrum para sa bantamweight gold habang sasagupain ni Martinez si Cheng Dong ng China sa light welterweight division.
Nagpahinga ang boxing action kahapon na ginamit para paghandaan ang kalaban.
Mayroon na ang Pinas ng dalawang bronze medals mula kina Josie Gabuco sa pinweight at Biboy Rivera sa men's singles bowling.
Si sanshou 48-kilogram fighter Jennifer Lagilag ang huling national player na nag-ambag ng medal matapos makasiguro ng bronze sa pagsulong nito sa semifinals dahil sa suwerte sa draw.
Sasabak ngayon si 2007 Thailand SEA Games Best Male Athlete Miguel Molina sa pagbubukas ng pool events sa Dinh National Aquatics Sports Complex.
Dumating si Molina noong Lunes ng gabi at lalangoy sa preliminary heats ng 50m free, 100m breast at 200m individual medley.
Ang heats ay magsisimula sa alas-8:00 ng umaga at ang finals ay sa alas- 6:00 ng gabi.
- Latest
- Trending