Imakuladang marka nais mapanatili ng Alaska
MANILA, Philippines - Ganitong ganito ang nangyari sa Alaska noong nakaraang season sa PBA Philippine Cup.
Maganda ang kanilang simula matapos ipanalo ang unang apat na laro.
Katulad ngayon.
Noong nakaraang taon, natalo sila sa ikalimang laro. At ngayon ang ikalimang laro ng Alaska na sasabak kontra sa Sta. Lucia sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Araneta Coliseum.
Alas-7:30 ng gabi ang sagupaan ng Alaska at Sta. Lucia.
Mauuna muna ang sagupaan ng San Miguel at Rain Or Shine sa alas-5:00 ng hapon.
Sa kasalukuyan nagsosolo ang Alaska sa liderato taglay ang malinis na 4-0 win-loss record kasunod ang Sta. Lucia na may 3-1 kartada.
Ang tagumpay ng St. Lucia ay magbibigay sa kanila ng karapatang makisalo sa liderato.
Pinapaboran namang manalo ang San Miguel kontra sa kulelat na Elasto Painters.
Umangat na ang SMBeer sa 2-2 kartada katabla ang Purefoods at BarakoBull sa likod ng Talk N Text at Ginebra na tabla sa 2-1.
Nasa kulelat na posis-yon naman ang Rain OrShine na wala pang panalo sa apat na laro at sila na lamang ang team na hindi pa nakakatikim ng panalo dahil may 1-3 win-loss record na ang Coca-Cola at Red Bull.
Dahil sa impresibong laro ni Willie Miller sa unang dalawang games at sa pag-step-up ng kanyang mga kasama sa mga sumunod na laro tulad nina Reynell Hugnatan na siyang tinang-hal na Player of the Week at L.A. Tenorio, umangat ang Alaska. (Mae Balbuena)
- Latest
- Trending