MANILA, Philippines - Matapos hiranging bagong kampeon sa Uni-games, niyanig ng University of Santo Tomas ang St. Benilde sa pamamagitan ng 25-14, 25-17, 25-17 panalo kahapon upang maibandera ang imakuladang 6-0 baraha at sweep sa elimination round kahapon sa Shakey's V-League Season 6 Second Conference sa The Arena, San Juan City.
Bagamat hindi masyadong nakapagpasiklab ang skipper at top hitter na si Aiza Maizo, buong giting na itinaguyod ng iba pang Lady Tigresses ang pagkubra ng panalo para agad tapusin ang laban sa loob ng isang oras at tatlong minuto.
Humalili sa malamyang performance ni Maizo, sinungkit ni Angeli Tabaquero ang pamumuno para igiya sa tagumpay ang España based spikers sa tulong ng kanyang 11 hits habang nagdagdag rin sina rookie Maruja Banaticla at Judy Ann Caballejo ng 10 points para itulak ang inaabangang duelo kontra San Sebastian Lady Stags sa Biyernes.
Sumandig sa 9 points produksyon ni Giza Yumang, bigong mapatumba ng St. Benilde ang nangu-ngunang UST.
Gayundin, hindi sumapat ang 7 at 9 points kontribusyon nina Katty Kwan at Kara Agero upang iangat ang Lady Blazers na tumapos nang may 2-5 baraha.
Samantala, sinuwag ng Far Eastern University ang nag-aasam na Lyceum para iposte ang 25-22, 25-21, 28-26 panalo upang awtomatikong ipadala ang St. Benilde sa quarterfinal round.
Humabol mula sa 10 points na kalamangan ng Lady Pirates upang ikumpleto ang sweep at magnakaw ng pagkakataon sa mula sa service error ni April Lualhati at ace na tinipa ni Cherry Vivas. (Sarie Nerine Francisco)