Lagman kampeon sa 18-Under
MANILA, Philippines - Mula sa isang matalinong pagpalo, lumutang ang husay ng 14 anyos na si Jacob Lagman para bulagain ang mga manonood matapos payukurin si No. 3 Ernesto Pantua, 6-1, 6-3 upang angkinin ang kampeonato sa 18 and under division ng 28th Philippine Columbian Association (PCA) Open na ginanap sa PCA indoor clay shell court sa Plaza Dilao, Paco, Manila.
Bagamat unseeded, hindinagpataob ang tubong Cebu na si Lagman makaraang mag-lunsad ng matitikas na atake na bumaon kay Pantua sa unang set. Bunga ng mga makapangyarihang hampas, tinuloy ni Lagman ang pagpalo para ipuwersa ang third set.
Dumaan sa butas ng karayom, malaking hirap ang pinagdaanan ni Lagman para marating ang inaasam na tagumpay. Tinahak ang daan patungo sa titulo sa pamamagitan ng pakikipagbuno nito sa second seed na si Alberto Villamor, 6-3, 6-4 sa semis at nakipaghamunan rin kay Arn Frocianos, 4-6, 7-5 (11-9) sa quarterfinals.
Para naman sa boys' 16 under ay namayani si third seed Jurence Mendoza habang inuwi naman ni Vince Salas ang boy's 12-under korona nang patumbahin si Eric Olivarez Jr., 2-6, 6-2, 6-1.
Samantala, sa girls division, hiniya ni No.2 Marinel Rudas ang top seed na si Patricia Orteza para agawin ang titulo sa 18-under competition.
Nauna na ring naigupo ni Rudas si Alexandra Lopez bago humarap kay Orteza. Kumayod ng husto, pinaghandaan ni Rudas ang pakikiharap nito sa top seed sa pagpapakitang gilas at liksi.
Nanalo rin si Marian Jade Capadocia sa 16-under championship matapos walisin si Samantha Coyiuto, 4-6, 6-2, 6-1, si Akiko De Guzman na tumalo kay Crizzabelle Paulino sa 14 under crown at Isabela Orteza para sa 12 under division.
Nakatakda naman ang seniors’ qualifying rounds simula Nobyembre 9-13 habang ang main draw ay aaksyon sa Nobyembre 14. (SNFrancisco)
- Latest
- Trending