MANILA, Philippines - Sagupaan sa pagitan ng San Sebastian at Ateneo Oracare ang manonorpresa sa tampok na laro, habang magkukumahog ang St. Benilde na mailusot ang ikaanim at huling pwestong bakante sa quarterfinals sa pamamagitan ng pagkopo nito sa kulelat na University of the Philippines para sa Shakey’s V-League Season 6 sa The Arena,San Juan City.
Kapwa malakas ang puwersa, maagap na kinuha ng Lady Stags at Lady Eagles ang mga pwesto sa sumunod na round makaraang igupo sa straight set wins ang Lyceum at St. Benilde sa kani-kanilang engkwentro, subalit matinding tapatan ang masasaksihan sa kanilang paghaharap sa ganap na alas kwatro ng hapon.
Asam ang ikaapat na panalo, igagapang ng reigning five time NCAA champion na San Sebastian ang tagumpay habang hangad naman ng Ateneo na mapaganda ang 3-2 baraha upang simiguro ng magandang posisyon sa torneong hatid ng Shakey’s Pizza.
Para sa inisyal na laro, doble kayod ng dalawang partido ang inaasahan kung saan titiyakin ng St. Benilde na mahuli ang ikalawang panalo at unang pananaig naman ang target ng napapag-iwanang Lady Maroons sa ligang suportado ng Mikasa, Accel, Mighty Bond at Oracare.
Isang koponan na lang ang hinihintay para punan ang hanay ng anim na quarter berths. Para sa natitirang pwesto, nag-aagawan ang St. Benilde, UP at Lyceum.
Subalit angat ng bahagya ang St. Benilde sapagkat kung mananaig ito kontra sa UP nga-yong araw, sila na ang grupong kukumpleto sa susunod na round.
Ang mga laban ngayon ay mapapanood ng live webcast sa www.v-league.ph at ieere sa NBN-4 sa pamamagitan ng delayed telecast na sisimulan ng UP-St. Benilde match dakong alas-2 ng hapon.
Magpapalakasan ng hampas sina Joy Benito, Margarita Pepito, Melissa Mirasol at guest player Jinni Mondejar para sa San Sebastian habang hihigpitan naman nina Fille Cainglet, Angeline Gervacio, Denise Acevedo at guest player Charo Soriano ang depensa ng Ateneo.
Gayundin, tinatayang bubulusok sina Giza Yumang at Kara Agero na magpapasikat para sa St. Benilde matapos na hindi makalaro kontra Ateneo sa kadahilanang pumalo ito sa Unigames.
Sa kabilang banda, masigasig na pinayukod ng Lady Eagles ang St. Benilde na hindi na nakaporma dahil sa pangu-ngulila kina Agero at Yumang kung kaya’t naiposte nito ang 25-22, 25-13, 25-18 tagumpay na nagbigay daan para makisalo sa Adamson Lady Falcons sa ikaapat na pwesto na mayroong 3-2 kartada.
Tulad ng UST(5-0), inangkin na rin ng SSC at Ateneo ang silya sa sumunod na round, kasama ang FEU (5-1), kasama na rin ang Adamson sa quarters.
Dahil dito, nananatiling bakante pa ang huling upuan na maaring maangkin ng St. Benilde (1-4), Lyceum (0-5) at UP (0-5) na may dalawang laban pang dapat tapusin.
Ginamitan ng 5-1 counter attack, sa pamamagitan ng kill ni Joy Benito, tinala ng San Sebastian ang 20-23 kalamangan na sinundan pa ng 25-24 abante sa second set.
Bagamat sinubukang hu-mabol ng Lyceum, agad na naharang ni Margarita Pepito ang pagbawing ito ng Intramuros based spikers.
"At least, we have achieved our initial goal to get into the top six. Now our target is to make it to the semis but we know it will be tough. We just have to take it one game at a time," anang SSC coach Roger Gorayeb.
Tumapos si Benito ng umaatikabong 18 hits habang nagdagdag ng tig 9 points sina Jinni Mondejar at Melissa Mirasol para sa Lady Stags. (Sarie Nerine Francisco)