Tigers nalusutan ang Giants

MANILA, Philippines - Dalawang araw bago alalahanin ng buong bansa ang mga mahal sa buhay na yumao na, nagkaroon naman ng buhay ang kampanya ng Coca-Cola sa PBA Philippine Cup matapos matikman ang kanilang unang panalo.

Bumangon ang Tigers mula sa 15-puntos na pagkakahuli sa second half ang Coca-Cola upang makaahon sa 1-3 record, habang bumagsak ang Purefoods sa 2-2 kartada.

Lumamang ang Purefoods sa 53-43 tatlong minuto pa lamang ang nakakalipas sa ikatlong quarter ngunit unti unting nagbangon ang Tigers na humataw sa final quarter kung saan tuluyan nilang naagaw ang trangko tungo sa kanilang unang tagumpay.

Gumawa ng 19-6 produksiyon ang Tigers sa ikaapat na quarter upang ibandera ang 80-73 kalamangan papasok sa huling mahigit apat na minuto ng labanan.

Nanguna sa Tigers si Norman Gonzales sa tinapos na 17-puntos, 12 nito sa ikatlong quarter kung saan unti-unting nakalapit ang Tiger na sinegundahan nina Dennis Espino at Wesley Gonzales na may 15 at 13 puntos ayon sa pagkakasunod.

Desisyon ng SBP hinihintay ng PBA

Samantala hinihintay pa ng PBA ang sagot ng Samahang Basketbol ng Pilipinas kung ano ang kanilang magiging desisyon ukol sa mga laro ng guest team na Smart Gilas.

Sa liham ni PBA Commissioner Sonny Barrios kay Noli Eala, executive director ng SBP, pinamili sila kung huwag na lamang papalaruin sa mga nala-labing laro si CJ Giles, na dalawang games nang hindi naglalaro, para may bearing pa ang mga laro nila sa liga o wala nang bearing ang kanilang mga games na hindi na isasama sa standings.

Mas gusto ni Barrios na ituloy ang paglalaro ng team na wala nang bearing para makalaro ang import na si Giles, kandidato para sa naturalization, at maipagpatuloy ang pagsasanay ng national youth team para sa mga international tournaments.

Habang sinusulat ang balitang ito naglalaban pa ang Sta. Lucia (2-1) at Burger King (2-2). (MBalbuena)

Show comments