Pinto sa Laos SEAG isinara na kay Martes
MANILA, Philippines - Dito na natatapos ang pagnanais ni long distance runner Cristabel Martes na makalahok sa darating na 25th Southeast Asian Games sa Laos sa Disyembre.
Inihayag kahapon ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Harry Angping na hindi pasado ang marathon queen sa kanilang kriterya para sa 2009 Laos SEA Games.
Sa 2007 SEA Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand, kung saan hindi nakasama ang tubong La Trinidad, Benguet, kinuha ni Sailomyen Sunisa ng Thailand ang gold medal (2:43.33) kasunod sina PA Pa ng Myanmar (2:44.11) at Filipina Jho-Ann Banayag (2:44.41).
May personal best na 2:45.00 ang 30-anyos na si Martes sa pag-angkin sa gold medal sa Philippine SEA Games noong 2005.
"Talagang kahit anong gawin natin hindi qualified 'yung time ni Cristabel Martes for the gold, silver and bronze medal. I think malayo ang time difference niya sa gold and silver medalists in the 2007 Thailand SEA Games," ani Angping kay Martes.
Pinagreynahan ni Martes ang 42-kilometer 33rd MILO National Finals noong Oktubre 10 na siyang naging resulta sa pagkakasibak sa kanya ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) para sa 2009 SEA Games.
Bunga ng ipinaikot na memorandum ng PATAFA noong Setyembre 15 na nagbabawal sa mga long distance runners na lumahok sa mga karerang lalagpas sa 10K, hindi sumabak sina Banayag, Eduardo Buenavista at Mercedita Manipol sa MILO National Finals.
"Wala na tayong magagawa kung hindi talaga ako makakasali sa 2009 SEA Games," sabi ni Martes, ginamit ang naibulsang P75,000 sa MILO National Finals para sa kanyang pamilyang nasalanta ng bagyong "Pepeng" sa La Trinidad, Benguet. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending