Pati sa Adidas KOTR Kenyan pa rin
MANILA, Philippines - Tulad ng inaasahan, dinomina ng Kenyan runner ang 2009 adidas King of the Road 21 kilometer foot race na ginanap sa loob at labas ng Bonifacio High Street, Si Richard Mutisyu, na tinapos ang full 42.195 kilometer race sa Subic noong Sabado, ay nangailangan lamang ng konting pagsisikap para pagharian ang 21k race noong Linggo ng umaga sa pagkawala ng mga pangunahing runners sa bansa.
Hindi gaanong naging impresibo ang oras ng 22 anyos na Kenyan na isang oras, 13 minuto at 17 segundo upang maangkin ang titulo at tanggapin ang eleganteng KOTR trophy na may kasamang P10,000 cash at P10,000 halaga ng gift certificate. May dalawang minuto at 29 segundo na bilis sa pumangalawang si Darwin Lim, varsity athlete ng Far Eastern University.
Panglima sa Subic si Mutis-yu.
Hindi nakasali si four-time champion Eduardo Buenavista, dahil sa nalalapit niyang paglahok sa 2009 Southeast Asian Games sa Laos sa Disyembre.
Wala rin sa kababaihan sina dating kampeon Jho-An Banayag at Mercedita Manipol Fetalvero, na kapwa mga miyembro ng Philippine team.
Dahil dito, umeksena si national pool member Nhea Ann Barcena sa kababaihan makaraang magrehistro ng 1:33.23 para makuha ang titulo. Puma-ngalawa naman at pumangatlo sina veteran runner Mila Paje at triathlete Ani Karina De Leon, ayon sa pagkakasunod.
Nanguna naman sa 10k side event sina Reynand Novallasca (35:27) at reigning Milo Marathon queen Christabel Martes (37:47).
Ang mga nagwagi naman sa 5K fun run ay sina Palarong Pambansa gold medalist Mervin Guarte (20:27) at Michelle De Vera (27:22).
May kabuuang 7,035 runners ang lumahok sa karera, ayon kay long-time race organizer Rudy Biscocho.
- Latest
- Trending