MANILA, Philippines - Ginamit ng Philippine Patriots ang malaking bentahe sa ikalawang quarter upang paamuhin ang Thailand Tigers, 74-61 sa kanilang unang home game sa ASEAN Basketball League (ABL) sa Ynares Sports Arena sa Pasig, kahapon.
Mabagal na nagsimula, ilang beses nagrally ang Patriots sa second quarter na binuksan ng back-to-back triples ni Rob Wainwright bago tuluyang nakuha ang tiyempo sa harap ng nagbubun-ying kababayan.
Sa presensiya ng bagong kuha na si Nonoy Baclao na nagparamdam ng husay sa shaded lane at magagaan na baskets mula kay Gerwin Gaco at magandang plays nina Froilan Baguion at Warren Ybañez natambakan ng Patriots ang naghihingalong Tigers sa second quarter, 24-4 tungo sa 42-22 pagtatapos ng halftime.
“Nonoy and Elmer did well today, I’m sure they will contribute more in our next game,” wika ni coach Louie Alas.
Nagawang makalapit ng Tigers sa 53-48 sa ikatlong canto ngunit yun na ang huling pagsisikap ng Thais nang magtulong sina Baguion at Gaco ng malaking iskor para pasukuin ang Tigers.
“We started flat but we managed to recover late in the first quarter and that proved to be the key. Our defense also clicked just at the right and Baclao and Espiritu played big roles. They’re really tough,” ani Alas.
Nagparamdam din si Elmer Espiritu nang magtapos ito nang may 8 puntos, 4 blocks at 3 rebounds para sa unang salang din ni Alas bilang coach ng koponan.
Samantala, nailista ng Singapore Slingers ang kanilang ikatlong sunod na panalo makaraang litsunin ang Brunei Barracudas sa ikalawang pagkakataon, 82-80 sa Brunei Indoor Stadium noong Sabado.