MANILA, Philippines - Sinorpresa ng Far Eastern U ang five-time NCAA champion San Sebastian College sa deciding set upang hatakin ang come-from-behind 16-25, 30-28, 17-25, 25-21, 15-10 panalo at makausad sa ikalawang quarterfinals berth ng Shakey’s V-League Season 6 sa The Arena saSan Juan City.
Makaraang mangapa sa ilang serye ng masasamang tira, naibangon din ng guest player na si Rachel Daquis ang laro sa pamatay na winning kill upang tulungan ang Lady Tamaraws na mailista ang ikatlong sunod na panalo at ikaapat sa overall upang bumuntot sa likuran ng UST Tigresses.
Kapwa tumipa ng 12 points, bintbit nina Katty Kwan at Giza Yumang ang College of St. Benilde para ilapat ang panalo kontra Lyceum sa pamamagitan ng isang three straight set, 25-19, 25-23, 26-24 sa unang laro.
Matagumpay na naka-rekober mula sa 21-23 deficit sa third frame, nakaiskor ang Lady Blazers ngunit nanganib ng mag-error si guest player Rossan Fajardo.
Subalit mabilis na umaksiyon, naisalba nina Kwan at Yumang ang laban para sa St. Benilde nang humam-pas ito ng tatlong sunod na puntos para wakasan ang larong tumagal nang mahigit isang oras.
Nakapag-ambag din ng 8 points sina Fajardo at Zharmaine Velez para basagin ang losing skid ng Lady Blazers sa ligang hatid ng Shakey’s Pizza.
Sa kabilang banda, hindi pa nakakabangon ang Lyceum, na wala pang naitatalang panalo (0-3), subalit kinakailangang maghanda para kalabanin ang Ateneo OraCare bukas para mapanatili ang tiket sa susunod na round ng torneong suportado ng Mikasa, Accel, Mighty Bond at OraCare. (SNFrancisco)