4th win ng asam Aces at Kings
MANILA, Philippines - Pare-parehong wala pang talo ang mga teams na maglalaban-laban ngayon sa pagpapatuloy ng PBA Philippine Cup na magbabalik sa Araneta Coliseum.
Nakataya ang ikaapat na sunod na panalo sa sagupaan ng Alaska at Ginebra kung saan ang mananalo ay sosolo ng liderato habang ikatlong sunod na panalo naman ang paglalabanan ng defending champion Talk N Text at Sta. Lucia.
Mauunang maghaharap ang Gin Kings at Aces sa alas-4:00 ng hapon at isusunod ang sagupaan ng Tropang Texters at Realtors sa alas-6:30 ng gabi.
Magkasalo sa liderato sa kasalukuyan ang Alaska at Ginebra sa 3-0 record kasunod ang Sta. Lucia at Talk N Text na tabla sa 2-0.
Magkakaroon ng bentahe ang Alaska kontra sa Ginebra dahil sa patuloy na pagkawala nina Mark Caguioa at Erik Menk.
Apat na linggo hangggang anim na mawawala si Caguioa na nanakit ang tuhod habang hindi bababa sa dalawang linggo na ‘di makakalaro si Menk dahil sa nafracture na daliri sa kanang paa.
“Mark and Eric is not there so will have to find guys who can fill their space,” pahayag ni coach Jong Uichico na may maasahan pa rin kina Ronald Tubid, Jayjay Helterbrand, JC Intal at Enrico Villanueva na nanguna sa nakaraang 100-72 panalo ng Gin Kings kontra sa Smart Gilas Team.
Bagamat tumapos lamang ng siyam na puntos si two-time MVP awardee Willie Miller, nag-average ng 22 puntos sa unang dalawang unang panalo ng Alaska, naasahan naman ng Aces sina LA Tenorio, Reynel Hugnatan, Joe Devance at Larry Fonacier.
Samantala, kasalukuyang naglalaro sa Misamis Oriental ang Rain Or Shine (0-2) at Burger King (1-2) sa Arturo S. Lugod Gym sa Ginggoog City habang sinusulat ang balitang ito. (Mae Balbuena)
- Latest
- Trending