Mahaba man ang daan
Idaraos na sa wakas ang Finals ng pinakamahabang NCAA tournament. Sa wakas, maghaharap ang San Beda Red Lions at San Sebastian Stags sa Araneta Coliseum.
Ginulat ng Stags ang Red Lions sa kanilang unang paghaharap, habang patungo sa rekord na 15 sunod na panalo. Subalit, matapos iyon, natalo sila ng Letran Knights. Sa loob ng tatlo't kalahating buwan, yun ang kaisa-isang talo ng Stags.
Sa nakaraang linggo, nadapa muli ang mga alaga ni bagong head coach Ato Agustin. Tatlong sunod ang naging talo nila. Una, tinalo sila ng Red Lions sa huling laro ng eliminations. Dahil dito, nagtabla sila sa unang puwesto, at nangailangan ng play-off game upang malamang kung sino ang una at makakalaban ang Letran Knights at kung sino ang pangalawa't dadaan sa Jose Rizal Heavy Bombers.
Natalo rin ang Stags sa playoff, at masaklap pa rito'y itinapon ng mga referee si Jimb Aquino, ang kanilang nangungunang iskorer at MVP candidate. Nahuli si Aquino na sinuntok sa tagiliran si Jake Pascual ng Red Lions. Suspindido siya sa unang laro laban sa JRU.
Bagamat maganda ang ipinakita ng rookie na si Ronald Pascual (nagtala ng career-high na 23 points), natumba muli ang Stags. Nalubos ang kanilang twice-to-beat advantage, at nanganib pa silang di makapasok sa Finals.
Subalit umarangkada sila sa huling laro noong Lunes, at nilamangan ng 29-8 ang JRU sa katapusan ng unang apat pa lamang. May trangkaso si John Wilson, ang hinirang na MVP ng liga, at nakapagtala lamang ng 8 puntos. Sa simula ng third quarter, nakadikit ng hanggang walo ang Heavy Bombers, ngunit kumawala muli ang Stags.
Sa tapatang San Beda at San Sebastian, depensa ang maghahari. Kung sino ang makakatakbo ng mas madalas ay malaki ang lamang sa serye.
Nabubuhay pareho sa transition game. Ang kalamangan ng San Sebastian ay mas magagaling ng konti dumepensa ang mga guwardya, habang laki naman ang pinagmamalaki ng San Beda.
Mas malalim ang bangko ng Beda, at kailangang magawan ng paraan ng Baste na maipasok sa foul trouble ang mga big men ng Red Lions upang pumantay ang laban.
Kung magiging pisikal ang serye, mahihirapan ang Stags, kaya't dapat magpalakas sila ng loob. Napakagandang labanan nito.
- Latest
- Trending