MANILA, Philippines - Inamin kahapon ni PBA Commissioner Sonny Barrios na nagkulang sila hinggil sa seguridad ng mga PBA players at mga basketball fans kaya nangyari ang pag-atake ni Wynne Arboleda ng Burger King sa fan na si Alain Katigbak noong nakaraang Biyernes.
Kaya naman nakatakdang makipag-usap si Barrios sa mga venue managers ng Araneta Coliseum kung saan naganap ang naturang insidente pati na sa mga lalaruang venues ng PBA.
"I will sit down with Araneta, I will sit down with the other venue managers to draft the arrangements not only on security but the protocol," ani Barrios sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey's sa U.N. Avenue sa Maynila.
Dahilan sa ginawang panggugulpi ni Arboleda sa nakaupong si Katigbak sa 6:00 minuto ng second period sa 115-105 panalo ng Whoppers sa guest team na Smart Gilas, sinuspinde ng PBA ang 10-year veteran sa kabuuan ng 2009-2010 PBA season nang walang monthly salary.
"Iyon na nga eh, responsible fan behaviour or responsible game watching. Iyong sa player's side kasi, especially with this severe penalty, I doubt if any player will do something again similar to what Wynne did," wika ni Barrios.
Sa hindi paglalaro sa buong 35th PBA season, nawalan si Arboleda ng P2.73 milyong suweldo.
Noong Hunyo sa 2009 PBA Fiesta Conference, isang Indian national ang sinugod ni 6-foot-9 Marlou Aquino ng Sta. Lucia matapos ang kanilang laro, habang isang negosyante naman ang pinagtulungan nina Danny Ildefonso at Marc Pingris ng San Miguel sa championship series ng nasabing torneo.
"It can be looked at as pagrabe nang pagrabe. So I have to take that into consideration. That's why when I say that mala-king diperensya 'yong bakit 'yung kina Danny I, Marc two and one game suspension lang, ito severe," ani Barrios.
Ibinunyag na ni Burger King team manager at PBA chairman Lito Alvarez ang tangka nilang pagdadala sa 32-anyos na si Arboleda sa Barako Bull para sa isang trade.
"I’ve been thinking nga at that time na huwag na rin siyang palaruin talaga sa team, that is why I brought the possibility of trading Wynne even before he was banned by 0the PBA. I brought the matter to coach Yeng Guiao," sabi ni Alvarez. (Russell Cadayona)