MVP awards hinakot ng JRU Bombers
MANILA, Philippines - Bagamat bigong makapasok sa championship round, kapwa namayani ang galing ng Bombers nang angkinin ni John Wilson at Louie Vigil ang Most Valuable Player award sa seniors at juniors division ng 85th NCAA basketball tournament.
Naungusan ni Wilson si American rookie Sudan Daniel ng reigning three peat San Beda makaraang magrehistro ng average statistical points na 52.7 kumpara sa 51.3 tala ng Red Lion.
Gayunpaman, hindi rin nagpahuli ang Light Bomber na si Vigil na nagtrangko ng kanyang 68.2 average points para tapusin ang pangarap ng mga katunggaling sina Jarelan Tampus (60.7) at Glenn Khobuntin (59.6) ng Letran, teammate na si Joshua Saret (57.6) at San Beda’s Baser Amer (57.3).
Ang pagkapanalong ito ni Vigil ang tinuturing na follow-up makalipas na tanghalin ring MVP si Keith Agovida noong nakaraang season.
Dahil dito, kasama na sina Vigil at Wilson sa mga hanay ng MVP mula sa JRU na pinangu-ngunahan nina Estelito Epondulan (1990), Philip Cezar (1972), Sixto Agbay (1969) at Roel Deles (1967).
Walang duda, dahil sa pinamalas na performance, namuno para sa Mythical Five ng liga sina Wilson at Daniel. Habang sina Giorgio Ciriacruz ng Arellano University, Calvin Abueva ng San Sebastian at RJ Jazul ng Letran ang kumumpleto ng naturang grupo.
Sa kabila ng magandang larong pinakita, hindi pa rin nasama sa Mythical Five si Jimbo Aquino ng San Sebastian, matapos itong madiskwalipika dahil sa ginawang panununtok kay Jake Pascual ng San Beda noong play-off match noong Miyerkules.
Bunga nito, napunta kay Jazul ang pwestong para sana sa kanya, dahil diniskwalipika ito sa pagtanggap ng kahit anong individual award.
Hindi matatawaran ang sipag sa bawat laban, nanguna rin si Daniel sa blocking para lumapit sa tinanghal na Rookie at Defensive Player na si Ian Sangalang ng San Sebastian.
Para sa juniors, inuwi ni Amer ang tropeo bilang Rookie of the Year habang ginawaran rin si Vigil bilang Defensive Player of the Year.
Samantala, ang pinakakaabangang kompetisyon ng bawat kolehiyo ay nakatakdang umeksena para iposte ang mahigpit na tagisan ng defending champion Jose Rizal at reigning national titlist Perpetual Help para sa 85th NCAA Cheerleading Competition na sisiklab ngayon.
“We’re excited because we have instituted some changes that should make this year’s edition more exciting than before,” pahayag ni Henry Atayde ng St. Benilde’s na siyang nanga-ngasiwa sa naturang event.
Upang lalong mapaganda ang labanan, ipapatupad ang ilang panuntunan mula sa National Cheering Championship. “The NCC is the only group of its kind in the country and we’re using the same guidelines and rules implemented internationally so we’re really excited to be part of this exciting event,” anang NCC national director at head coach Paula dela Llana-Nunag.
Ang tatanghaling kampeon ngayong taon ay magbubulsa ng P90,000 habang mag-uuwi naman ng P55,000 at P45,000 ang magiging 2nd at 3rd placer. (Sarie Nerine Francisco)
- Latest
- Trending