149 lbs. na lang si Pacquiao

MANILA, Philippines - Bumaba na ang timbang ni Manny Pacquiao sa 149 lbs. at kitang-kita ang ganda ng porma ng katawan nang magworkout ito na magbibigay ng magandang laban kay Miugel Cotto sa Nov. 14.

“I’ve never seen him in better shape,” wika ni conditioning coach Alex Ariza habang hubad si Pacquiao na nakipagkarera sa kanyang asong Terrier sa Rizal Memorial Stadium.

Medyo tinanghali ng gising si Pacquiao at nagtimbang sa loob ng hotel suite sa 149 lbs., apat na librang sobra sa catchweight limit na 145 para sa kanyang WBO welterweight title fight kay Cotto.

Nagtipun-tipon ang mediamen, kabilang na ang HBO crew na tumawid sa Pacific upang bantayan ng 24/7 ang Pinoy icon, sa labas ng stadium, bandang alas-6 ng umaga.

Pasado alas-8:00 ng umaga dumating si Pacquiao. At nang magsimula ito, lahat ay naging abala na rin.

Umikot sa palibot ng rubber-surfaced track sa loob ng 20 minutos si Pacquiao kasama ang sparring mate na si Urbano Antillon, ang papasikat na si Rodolfo Sumabong ng Cebu at si ‘Pacman’ ang 3 anyos na Jack Russell Terrier.

Kinailangang pigilan ng kanyang assistant trainer na si Buboy Fernandez sa pagtakbo ng isa pang ikot dahil wala si chief trainer Freddie Roach.

“That’s the problem with Manny. Once he breaks that sweat, he just won’t stop. He’s like that little thing that you turn on and it gets going and going and going -- very difficult to stop him,” ani Ariza.

Nagsagawa din si Pacquiao ng abdominal exercise nang humiga ito sa mat sa ilalim ng matinding sikat ng araw at tinakpan ng tuwalya nina ex-world champ Dodie Boy Peñalosa at Jojo Sta. Terera.

Idineklara niya ang sarili na handa na sa pakiki-paglaban.

“So far, so good. I’m happy with my training,” pahayag ni Pacquiao bago pa man sila umalis ng Baguio noong Linggo ng hatinggabi sa takot abutan ng super typhoon na paparating.

“I’m faster than Cotto so I will use that speed the proper way,” anang the 30-year-old champ, na bahagyang nagpahinga sa hotel bago tumuloy sa Gerry Peñalosa Gym sa Mandaluyong para sa isparing.

Show comments