Smart Gilas 'di nakalusot sa BK
MANILA, Philippines - Kahit maagang nawala si Wynne Arboleda sa laro dahil sa isang insidente, nagawang magtagumpay ng Burger King upang makabawi sa kanilang opening day loss matapos ang 115-105 panalo sa PBA Philippine Cup na nagpatuloy kahapon sa Araneta Coliseum.
Hindi napigilan ni Arboleda ang sarili nang kanyang sugurin at upakan ang mapang-asar na fan sa special ringside sa gilid lamang ng court na siyang dahilan para matigil ang laban sa ikalawang quarter abanteang Burger King sa 42-37 bago napatalsik sa laro si Arboleda.
Ang fan na sinipa muna ni Arboleda bago sinuntok ng tatlong beses ay isang fan ni Chris Tiu ng Smart Gilas, ay ineskortan din ng mga security palabas ng playing venue at hindi na pinabalik sa kanyang upu-an hanggang sa matapos ang laro.
Matapos ang insiden-teng ito, nakalayo ang Smart Gilas ngunit hindi rin nagtagal ay nahabol sila ng Burger King at naagaw ang kalamangan at hindi na lumingon pa.
Pinangunahan ni Ronjay Buenafe ang Burger King na nakabawi sa 80-93 pagkatalo sa Purefoods noong Linggo sa kanyang tinapos na 25-puntos kasunod ni Garry David na may 24 puntos at Beau Belga na may 17-puntos at 10 rebounds.
Matapos maglaro sa Burger King ng isang game, lumipat naman ang top draft pick na si Japeth Aguilar sa Smart Gilas at tumapos ng 18-puntos sa likod ng 28 ni JV Casio at 21 ni Chris Tiu.
Sa ikalawang laro, pinangunahan ni Ryan Reyes ang Sta. Lucia Realty sa pagkamada ng 21 puntos para sa 95-76 pananalasa sa Coca-Cola.
Habang sinusulat ang balitang ito, naglalaban pa ang Talk N Text at Rain Or Shine sa huling laro ng triple bill kahapon.
Sa unang out-of-town game ng PBA, dadako ang aksiyon sa Panabo City, Davao del Norte kung saan maghaharap ang San Miguel (0-1) at Alaska (1-0) sa alas-5:00 ng hapon sa Panabo Multi Purpose Tourism Cultural & Sports Center.
- Latest
- Trending