Bryant nakidalamhati sa mga Pinoy na sinalanta ng bagyo
MANILA, Philippines - Maski ang isang basketball superstar na katulad ni Kobe Bryant ay nakikidalamhati sa mga nasalanta ng bagyong sina “Ondoy” at “Pepeng”.
Sa isang video interview ni Elie Seckbach ng ESNEWS at ipinoste sa YouTube, hinikayat ni Bryant ng NBA champions na Los Angeles Lakers ang mga Pinoy na naging biktima ng dalawang bagyo na bumangon.
“Have a lot of strength and a lot of pride,” wika ni Bryant, huling naging bisita ng bansa noong Hul-yo 21 para sa kanyang 2009 Asia Tour: Philippines para sa Nike.
Kumpiyansa si Bryant na makakabangon ang mga Pinoy sa kabila ng naturang kalamidad.
“The time I spent over there, I got to know the country a little bit and the people. The perseverance and the strength that they show is remarkable so I have no question that they’ll bounce back from it,” sabi ni Bryant.
Ilan sa mga alaalang pinahahahalagahan ni “Black Mamba” nang dumalaw sa bansa ay ang ibinigay niyang oras sa mga bata para magturo ng basketball fundamentals katuwang ang Nike Philippines na nagbigay ng P100,000 sa “Sagip” program ng Gawad Kalinga.
Maliban kay Bryant, naglunsad rin ang World Boxing Council (WBC), ang Mexico-based boxing body, ng “WBC Asia Relief Fund-Philippine Disaster” project.
Ang mapagbebentahan sa commemorative key rings ng unang WBC Diamond Belt na pag-aagawan nina Filipino ring icon Manny Pacquiao at Miguel Cotto ng Puerto Rico ang siyang ibubuhos sa naturang proyekto.
Ang naturang double-face key ring ay may mukha ni Pacquiao sa kabila at mukha naman ni Cotto sa kabila.
“The WBC joins the world helping force just like we did in 2005 in the Asian Tsunami disaster. Extra donations will be really appreciated by our Philippine brothers,” wika ng WBC sa isang statement. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending