3rd win sasakmalin ng UST Tigresses
MANILA, Philippines - Tatahakin ang daan patungo sa ikatlong sunod na tagumpay, sasakmalin ng University of Santo Tomas ang Lyceum sa pagtutuos nito habang hangad ng Adamson na muling lumipad ng matayog upang maungusan ang UP sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 6 sa Blue Eagle gym ngayong araw.
Bagamat namayani sa dalawang naunang laban, hindi pa rin kuntento si UST coach Cesael de los Santos sa kasalukuyang disposisyon ng koponan, kung kaya’t pagsusumikapan pa nitong paigtingin ang kampanya sa liga.
Matatandaang pinaluhod ng España-based squad ang Adam-son sa opening game, 25-18, 17-25, 25-17, 25-16, at itinuloy ang pagrereyna nang durugin ang depensa ng Lady Tams, 17-25, 28-26, 25-22, 25-17.
Ang pakikipagtunggali sa Lyceum ngayong alas-4 ng hapon ay matinding hamon para sa Lady Tigresses upang mapanatiling walang bahid ng kasawian.
Maligaya sa posisyon sa unahan, muling magpapakiatng gilas sina skipper Aiza Maizo, Angeli Tabaquero, Roxanne Pimentel at Maruja Banaticla sa torneong hatid ng Shakey’s Pizza at suportado ng Accel, Mikasa, Mighty Bond at OraCare.
Ngunit napaghandaan na nang Lady Pirates na kinabibilangan nina Joy Cases, Nica Gulima, Nicolette Tabafunda at Jamie Peña ang pag-atake ng kalaban para sa single round robin elims ng event na inorganisa ng Sports Vision.
Samantala babalikwas muli ang Adamson para magapi ang UP sa laban nila ng alas-2 ng hapon sa pamumuno nina Pau Soriano, Jill Gustillo Angela Benting at guest player Charmaine Moralde. (SNFrancisco)
- Latest
- Trending