MANILA, Philippines - Bumandera si Willie Miller nang humataw ang Alaska sa second half tungo sa 99-83 panalo sa Barako Bull para sa kanilang magandang simula sa PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum kagabi.
Tumapos si Miller ng triple double, ang kanyang ikatlo sa kanyang career sa kanyang 19-puntos, 11-rebounds at 12-assists upang makahanay ng Aces ang opening day winner na Purefoods, na nagwagi sa Burger King, 93-80 noong Linggo.
Nagpasikat ang bagong saltang si Yousif Aljamal sa kaagahaan ng labanan nang pangunahan nito ang Barako Bull sa unang quarter sa pagkamada ng walong puntos upang lumayo sa 12-5 kalamangan
Ngunit naagaw ng Alaska ang trangko sa ikalawang quarter sa 23-22 at naging see-saw na ang labanan hanggang sa kunin ng Bulls ang 41-38 kalamangan sa halftime.
“We figured out in the halftime how to attack, we knew if we beat Red Bull its not gonna be a big news but if they beat us, it’s a big news,”pahayag ni Alaska coach Tim Cone.
Umabot sa 20-puntos ang kalamangan ng Alaska, 94-74, mula sa split ni Miller, 3:21 minuto ang nalalabing oras sa laro na sumiguro ng kanilang tagumpay.
Habang sinusulat ang balitang ito, naglalaban pa ang mga finalist ng Fiesta Cup na Ginebra at San Miguel bilang main game kagabi.
Nasayang ang magandang simula ng Red Bull gayundin ng double-double performance ni Yousif Aljamal sa kanyang tinapos na 18-puntos at 15-rebounds.
Alaska 99 - Miller 19, Hugnatan 18, Tenorio 15, De Vance 12, Fonacier 10, Dela Cruz 10, Borboran 8, Thoss 7, Burtscher 0, Sotto 0, Ferriols 0, Cariaso 0.
Barako Bull 83 - Aljamal 18, Duncil 13, Dimaunahan 9, Fernandez 7, Najorda 7, Alonzo 6, Lao 5, Menor 4, Faundo 4, Hubalde 4, Belano 4, Crisano 2.
Quarterscores: 20-18, 38-41, 70-59, 99-83.