MANILA, Philippines - Dalawang Mexican fighters ang maaaring isama ni world flyweight champion at interim super flyweight titlist Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. para sa kanyang susunod na laban.
Ang mga ito ay sina da-ting two-time World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) super bantamweight king Israel Vasquez at bantamweight Abner Mares.
Inihayag na ni Vasquez ang kagustuhan niyang makasagupa si Donaire, ang kasalukuyang IBF at International Boxing Organization (IBO) flyweight ruler at bagong World Boxing Association (WBA) interim super flyweight titlist.
“He is too skinny for 119 1/2 pounds and should build more muscles and must move up in weight to be more competitive, to fight good fighters,” sabi ni Vasquez kay Donaire, nagbabandera ng 22-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs.
Tinalo ni Donaire si Rafael “El Torito” Concepcion ng Panama via unanimous decision para angkinin ang bakanteng WBA interim super flyweight crown noong Abril 15.
Nakatakdang sagupain ni Vasquez (43-4-0, 32 KO’s) si Angel Priolo (30-7-0, 20 KO’s) sa isang non-title, 10-round bout bukas sa Nokia Plaza sa Los Angeles, California.
Maliban kay Vasquez, gusto ring isagupa ng promoter niyang si Frank Espinoza, Sr. kay Donaire si Mares.
“I want Nonito Donaire, Jr. to fight Abner Mares,” ani Espinoza, nagmamay-ari ng Espinoza Boxing Promotions. “Mares is undefeated and I think it is going to be a good fight.”
Dinadala ng 23-anyos na si Mares, tinalo si Filipino Diosdado “The Prince” Gabi via second-round TKO noong Marso 15, 2008, ang malinis na 19-0-0 (12 KOs) card. (Russell Cadayona)