MANILA, Philippines - Inaasahan nina PBA commissioner Sonny Barrios at chairman Lito Alvarez ang matagumpay na 2009-2010 season, bagamat maraming hamon na haharapin ang liga.
Sa paglulunsad ng ika-35th season ng liga sa Diamond Hotel kahapon sa Roxas Blvd., optimistiko sina Barrios at Alvarez na malalagpasan nilang lahat ang mga hamon.
“Our confidence is very high that this year is going to be a banner year,” pahayag ni Alvarez. “We will face a challenging year,” pahayag ni Barrios. “Sana magpatuloy ang suwerte.”
Magbubukas ang season opening conference sa Linggo sa Araneta Coliseum na bubungaran ng sagupaan ng Burger King at Purefoods TJ Giants sa alas-6:00 ng gabi pagkatapos ng makulay na opening program.
Siyam na provincial games ang nakatakda para sa kumperensiyang ito.
Makikilatisan din ang mga bagong mukha na si na Japeth Aguilar, ang top draft pick sa taong ito, na inaasahang makikipag-ayos sa team na humugot sa kanya na Burger King.
Naririyan din sina Rico Maierhofer, ang No. 2 pick ng Purefoods, ang third pick na si Chris Ross ng Coca-Cola na nakuha nila sa Burger King at ang fourth pick na si Jervy Cruz ng Rain or Shine.
Dahil tapos na ang commitment ng liga sa national team, ibinalik na rin ang mga dating rules na pinalitan nila ng amateur rules para mabihasa ang mga players. (MBalbuena)