MANILA, Philippines - Si Filipino challenger Rodel Mayol ang magiging pinakahu-ling lalabanan ni Mexican world light flyweight champion Edgar Sosa bago siya umakyat ng timbang.
Ito ang inihayag ng kampo ni Sosa na magdedepensa ng kanyang suot na World Boxing Council (WBC) light flyweight crown sa ika-11 sunod na pagkakataon.
Itinakda na ng grupo ng 28-anyos na si Sosa ang kanyang pagdedepensa sa 27-anyos na si Mayol sa Nobyembre 21 sa Tuxla Gutierrez, Chappas sa Mexico.
Sakaling matuloy ang natu-rang title fight, ito na ang magi-ging pang limang pagtatangka ng tubong Mandaue City, Cebu na si Mayol para sa isang world boxing title.
Dalawang beses na nabigo si Mayol na maagaw kay Ivan "Iron Boy" Calderon ng Puerto Rico ang tangan nitong World Boxing Organization (WBO) belt ngayong taon via technical draw at split technical draw.
Bago ito, natalo muna si Mayol kina Eagle Den Junlaphan (unanimous decision) para sa WBC minimumweight belt noong 2006 at kay Ulises Solis (eight-round TKO) para sa International Boxing Federation (IBF) light flyweight title noong 2007.
Dadalhin ni Sosa, tinalo si Brian "The Hawaiian Punch" Viloria via unanimous decision para sa nabakanteng WBC light flyweight crown noong 2007, ang 37-5-0 win-loss-draw ring record kasama ang 21 KOs.
Ibinabandera naman ni Mayol, nagsanay sa Wild Card Boxing Gym ni trainer Freddie Roach sa Hollywood, California, ang 25-4-1 (19 KOs) card. (Russell Cadayona)